Buking ang pagnanakaw ng isang 22-anyos na lalaki na nagtiyaga na lang sa isang unit na cellphone nang hindi nito nabuksan ang safety vault ng isang tindahan sa Gen. Trias City, Cavite.
Nakakulong ngayon sa Gen. Trias City Custodial Center ang suspek na si Melbert Mercado, walang trabaho, ng NIA Road, Brgy. San Juan I, Gen Trias City, Cavite dahil sa reklamo ni Marcianito Chavez Jr., Area Manager ng Alfa Mart Store sa Brgy. San Juan Gen. Trias City branch.
Sa salaysay ni Chavez kay PSSg. Armien Matro, ng GenTri City Police Station, alas-sais kahapon ng umaga nang matuklasan ng mga personnel ng nasabing tindahan na bukas ang cash register pagpasok nila.
Napansin din nila na may butas sa kisame na pinaniniwalaang pinasukan at nilabasan ng suspek.
Tinangka rin ng suspek na buksan ang safety vault pero nang hindi nito mabuksan ay nagtiyaga na lang na kunin ang isang cellphone na nagkakahalagang P16,000.
Nang rebyuhin sa Closed Citcuit Television (CCTV) ang nangyaring panloloob ay nakilala ang suspek na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto. (Gene Adsuara)