Matapos kupitin ang tinatayang P120K benta ng gasolinahan, isang kahero ang pinadakip ng kanyang amo sa Ternate, Cavite.
Kasong Qualified Theft ang kinakaharap ngayon ng suspek na si Emelson Manlansang, 35-anyos, gasoline station cashier, nakatira sa 105 Naval Ext., Baritan, Malabon City, dahil sa reklamo ni Edsel De Dios, 49, Gasoline Station Operator.
Sa ulat ni PSSgt Ernesto Gayyed Jr. ng Ternate Municipal Police Station ika-5:-00 kamakalawa ng hapon nang matuklasan ng operator ng gasolinahan na nilimas ng suspek ang pinagbentahan dito na umabot sa mahigit P120,000.
Nauna ditto, sorpresang dinalaw ni Dios ang isang branch ng gasolinahan sa Brgy. Poblacion 1A, Ternate, Cavite kung saan simula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong Marso ay na-lock down ang suspek kaya naiwan ito sa gas station pati na ang ilang kita ng gasolinahan na nakalagay sa isang cabinet bago ito nagsara.
Gayunman, pagdating ni Dios ay nasorpresa ito nang nakitang bukas ang kanyang cabinet at nawawala na rin ang cash na nagkakahalaga ng P120,000 dahilan upang ipadampot nito ang suspek.
Sa presinto, inamin ng suspek na nagastos niya ang pera para umano sa ilang pagpapagawa sa gasolinahan, panggastos nito simula nang ito ay na-lock down at ipinadala umano sa kanyang pamilya. (Gene Adsuara)