Kita sa POGO gagamitin sa lockdown

Binigyang katwiran ng Malacañang ang pagpayag na mag-operate ang ilang kompanya ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) kahit mayroong umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kailangan ng gobyerno ang dagdag na pondong pantustos sa gastusin para harapin ang problema sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Hindi aniya sasapat ang inilaang pondo sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act kaya kailangan ang dagdag na pera upang matustusan ang ibang pangangailangang serbisyo habang may COVID crisis.

Tinitiyak ni Roque na lahat ng kikitain sa POGO operation ay gagamitin sa gastusin para labanan ang COVID-19.

“Lahat ng proceeds na kikitain ng BPOs [Business Process Outsourcing] na galing sa POGOs ay ilalaan `yan 100% dito sa mga gastusin related sa COVID-19,” ani Roque.

Sinabi naman ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) Chairperson Andrea Domingo na 30% ng mga POGO worker lamang ang papayagang magtrabaho para mabantayan kung nakakasunod ang mga ito sa safety protocol laban sa COVID-19.

Kikita aniya ang gobyerno sa POGO operation sa panahon ng ECQ at nitong buwan ng Abril kahit walang operasyon ay pumayag na bayaran ang minimum guarantee fee na nasa P300-350 milyon.

“Bago sila makapagbukas kailangang bayaran nila lahat ang dapat bayaran sa Pagcor at sa BIR [Bureau of Internal Revenue] as of March to April 2020. Dito sa April kahit wala silang operations, pumayag sila na magbayad ng minimum guarantee fee nila na 300-350 million pesos puwera pa sa makukubra ng BIR,” ani Domingo.

Nilinaw ni Domingo na hindi mga Pilipino ang maglalaro sa online casino kundi nasa labas lahat ng bansa na mga dayuhan. (Aileen Taliping)