Kanya-kanyang bunot ng sariling budget.
Ito ang bubunuin ng mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan na sangkot sa pagdaraos ng Miss Universe beauty pageant sa bansa ngayong Enero.
Sinabi ni Sr. Supt. Emmanuel Licup ng Special Task Force for Miss Universe na walang pondong ibinigay si Pangulong Rodrigo Duterte para sa operasyon ng mga ahensyang mangangasiwa sa mga aktibidad na kaakibat ng idaraos na international event.
Ayon kay Licup, malinaw na nakasaad sa inisyung memorandum circular ng Malacañang na ang bawat ahensiyang kasali sa paghahanda ang silang maglalaan ng sarili nilang budget.
Halimbawa aniya sa panig ng pambansang pulisya na silang bahalang maglabas ng pondo para sa ipatutupad na security preparations.
Kabilang sa kailangang mapondohan ng PNP para sa kanilang papel sa gaganaping beauty pageant ay ang gasolina para sa 51 mahindra vehicles na idi-deploy, pagkain ng mga pulis na mangangasiwa ng seguridad at armas ng mga security details na itatalaga sa mga contestant at iba pa.