Klaro si Recto!

Hindi lang bagong linya ng telepono kundi karagdagang puwersa sa Philippine National Police (PNP) ang kailangang palakasin ng gobyerno.

Kahit bawat segundo meron magsusumbong ng mga pusher, adik at iba pang uri ng kriminal na pagala-gala sa kanto kung walang aaksyon, anong silbi ng numerong ito?

Kasing klaro ng kanyang lolo ang suhestyon ni senate minority leader Ralph Recto — dagdagan ang bilang ng mga pulis, kasabay din ang instilasyon ng 911-system.

Sa dami ng mga Pilipinong walang magawa sa buhay kundi ang mangutya at manloko, pansinin ang unang araw ng implementasyon, hindi ba’t dinagsa ng mga walang kuwentang tawag ang linyang dapat sana’y sumbungan ng reklamo.

Malinaw ang bawat numero ni Recto — kailangang dagdagan ang patrol cars at bilang ng kapulisan nagbabantay sa mga presinto at kalsada kundi wala rin silbi ang hotline dahil walang magreresponde sa bawat tawag sa telepono.

Kahit anong tawag sa 911 hotline ng mga lehitimong caller, walang magagawa ang isang pulis o presinto kung kapos sa manpower; malaking kalokohan kung makakahabol ng holdaper at makakaresponde sa krimen kung naglalakad ang mga ito.

Sa bawat pagkilos ng kapulisan, pinakamahala­ga ang resources at manpower; higit sa lahat ang pagresponde sa tamang oras at pagkakataon; pagsi­guro sa scene of the crime, maliban kung gusto na­ting iasa lahat kay Gus Abelgas ang imbistigasyon?

Sa panahon ni dating Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino III, nabigyan ng magandang service firearms ang kapulisan kaya’t hindi mahihirapan ang bagong administrasyon na palakasin ang PNP lalo pa’t nakapaagresibo ni General Ronald ‘Bato’ dela Rosa ipatupad ang pagbabagong ipina­ngako ni Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte.

Ika nga ni Recto “Kung hindi, sayang lang ang napakagandang programa na 911 kung wala o kulang o mabagal ang pagresponde,” Kung sa cellphone: Aanhin mo ang numero kung walang load, mas mabuti pang idaan sa koreo ang mensahe sa penpal mo — ‘yun lang, mamumuti ang iyong buhok sa kahihintay ng sagot.

Napakalaking hamon ang “15-minute response time” at napakaimposibleng ma-perfect ang distress calls sa urban areas kaya’t napakahalaga ang logistics o manpower ng kapulisan lalo pat nagsasanga-sanga ang isyu sa trapiko at pagkilos ng bawat isa.

Sa tala ng PNP, may kabuuang 23,820 ang uniformed positions ang bakante — kung mapupunan ng gobyerno kahit kalahati sa bilang nito, ito’y napakalaking puwersa lalo pa’t masidhi ang kampanya ng administrasyong Duterte para walisin ang mga adik at pusher sa kalye.

Sa kuwenta ni Recto, magkakaroon ng karagdagang 12 pulis ang 1,489 bayan at humigit-kumulang tig-40 pulis ang 145 lungsod sa Pilipinas kapag napunan ang bakanteng posisyon sa PNP.

Ang bilang ng karagdagang pulis, ito’y maaring kulang pa lalo pa’t marami rin ang nabawas dahil sa kampanya kontra droga, ilan dito’y napabilang sa itinumba dahil nagbago ng career sa buhay at umiekstrang kriminal kahit naka-duty ang mga kumag.

Hindi biro ang kampanya kontra droga ni Pangulong Duterte at mas malaki pa sa isang bundok ng bato ang problemang nakaatang sa balikat ni General Bato kaya’t kailangan ang suporta at tulong ng publiko — maging mapagmasid at alerto.

Higit sa lahat, huwag nang makisama sa mg sira-ulong tumatawag sa hotline para lamang manloko dahil dagdag-abala sa kapulisan ito.Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

(Twitter: follow@dspyrey)