Posibleng isulong ng Department of Education ang pagkakaroon ng o nline-based education sa darating na pasukan sakaling magtuluy-tuloy pa rin ang contingency plan sa dinaranas na krisis kaugnay sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay DepEd Undersecretary Nepomoceno Malaluan, kailangang gawin ang o nline-based education bilang paghahanda sa anumang krisis na darating na tulad ng bagyo at iba pa na maaapektuhan ang pag-aaral ng mga kabataan.

“The Information and Communication Technology-based adjustments will have to be made as a major feature for teaching and learning,” ayon pa kay USec. Malaluan.

Kaya naman isinulong ang `DepEd Commons,’ na isang online platform na magagamiy ng mga public school teachers para masuportahan ang pagtuturo at maipagpapatuloy pa ang pag-aaral kahit nasa bahay ang mga estudyante sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng online review materials at iba pang educational resources.

Giit naman ni DepEd Undersecretary Alain Pascua, kailangang gumawa ng maraming paraan para hindi matigil ang mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral.

“In this extraordinary situation we find ourselves in, we must walk before we run. We must start somewhere and work our way towards the ideal where all teachers and learners in the country can access such resources,” paliwanag ni Pascua.

Sa kasalukuyan ay mayroon nang 450,000 unique users na gumagamit ng DepEd Commons.

Samantala, nangangamba ang ilang guro na baka manibago ang mga mag-aaral sa bagong set up ng pagtuturo. Ayon kay Chary Patron, isang public school teacher sa Quezon City, hindi lahat ng mag-aaral ay may gadgets para magamit sa pag-aaral at hindi lahat ng magulang ay kayang suportahan ang learning at home ng DepEd. (Vick Aquino)