Klaudia sumuko sa frontal nudity

Ang dating Seiko Films at Regal Films star na si Klaudia Koronel ang naging special guest kamakailan sa Tambayan ng Tsika, ang online show ng Abante Tonite. Sa simula ng panayam namin nina katotong Roldan Castro at Beth Gelena, sinabi ni Klaudia na ang pelikulang ‘Live Show’ (dating Toro) ang tunay na rason kaya siya nag-quit sa showbiz. Hindi raw niya kaya ang mag-frontal nudity.

“Nag-decide akong huminto sa showbiz, siyempre peak ng career ko ‘yun, so walang nakakaalam kung bakit ako nag-stop, ang dinahilan ko talaga noon is… siyempre isa na rin ‘yun na gusto kong makatapos ng pag-aaral. Pero ang talagang main reason bakit ako nag-stop, ayaw ko rin kasing may magalit sa akin na producer or manager, siyempre nagdamdam ‘yung manager ko… Mabait siyang manager (Dondon Monteverde), talagang ‘di niya ako pinabayaan, talagang ‘di ako nawalan ng trabaho at talaga namang kumita ako nang sobra-sobra sa TV.

“That time, ‘yung number-1 ay si Joyce Jimenez, e. Marami po kasi kami noon, sila Ara Mina… maraming mga kasaba­yan ako noon na matatapang din sa pagse-sexy. Kaso that time bago si Joyce and siya ‘yung talagang malakas ang loob, ga­ling sa Amerika… So, parang nauso ‘yung frontal nudity and then ‘yung mga kasabayan ko gumawa ng frontal nudity.

“So sabi ni Mother Lily, ‘Yan na lang si Klaudia mo ang natitirang hindi gumagawa’. Ako, kung anong ipinapagawa sa akin, talagang sinusunod ko, malakas kasi ang loob ko. Pero that time, ang ginagawa ko noon ay Toro, na na­ging Live Show. ‘Yun, idinagdag na lang kasi sa eksena ‘yun eh, na kailangan ko mag-frontal. Wala sa original script ‘yun and maganda talaga ‘yung script, napadala pa nga kami sa Berlin Film Festival that time, pinalakpakan talaga ‘yung movie,” mahabang kuwento ni Klaudia.
Pero dahil hindi niya kayang mag-frontal nudity, napaiyak daw siya at napag-isip-isip na huminto na siya sa pag-aartista at mag-aral na lang.

“Iyong palabas na Caregiver (starring Sharon Cuneta), totoo pala iyon, naranasan ko iyon, iyong sinasabunutan ka ng matanda, sasampalin ka. Naranasan ko ‘yung aawayin ka ng family…”

Pinagsisihan ba niya ang paggawa ng Live Show? Sagot ni Klaudia, “Kung nag-frontal ako, yes. Kumbaga, ginawa mo na lahat, pati ba naman private parts mo ay ibalandra mo pa? So, hindi ko pinagsisihan, kasi proud ako sa pelikulang iyon.”

HINANGO SA KAHIRAPAN NG SEIKO FILMS

Nang napag-usapan naman si Robbie Tan na boss ng Seiko Films, ito ang sinabi ni Klaudia: “Si Boss Robbie, siya ang tumulong sa akin na maalis ako sa kahirapan. Malaki ang utang na loob ko sa kanya, hindi siya ang producer na magte-take advantage sa alaga niya.”
Galing din ang screen name niya kay Boss Robbie na dapat daw ay Klaudia Estevez, ngunit hindi ito ma-pronounce nang tama ni Klaudia kaya ginawang Klaudia Koronel.

Nawala ang bagahe sa NAIA

Sa pagkawala naman ng bagahe niya sa NAIA, nabanggit ni Klaudia na may natutunan siya sa insidenteng iyon. “Noong dumating ako ng August 20, isa lang ang nakuha kong bagahe, so, sinabi naman sa amin na, Naiwan lang po.’ So, iniwan namin ‘yung mga ID, ‘yung information namin, mababalik daw sa amin kasi naiwan. Pero ‘yung mga kasamahan namin kawawa kasi sa Nueva Ecija pa sila uuwi, sa Cebu, mga probinsiya, mga malalayo. So kawawa sila.”
After five days ay wala pa rin daw ito at nang nag-check siya ay sinabihang may kumuhang iba ng kanyang bagahe. Pero desidido siyang maibalik ito, lalo’t bukod sa mga gamot ng kanyang ina, dito rin nakalagay ang mahahalagang papeles niya.
“Mali rin ako na ‘yung titulo, lahat ng property ko, nailagay ko roon sa bagahe na ‘yun. Mayroon kasing airline, naranasan ko sa United Airlines na ‘pag nasobrahan ang hand carry mo, magbabayad ka ng hundred dollars. So medyo mabigat kasi ‘yung mga papeles, makapal siya, roon ko nailagay, di ko naman naisip na puwede palang mawala.”
Nakuha rin ni Klaudia ang bagahe niya dahil talagang ipinaglaban niyang hindi puwedeng mawala ito. Ginawa rin daw niya ito para hindi na maulit sa iba, na hindi kayang ipaglaban ang kanilang bagahe.

SUMUKA

Hindi rin daw niya malilimutan ang kanyang buhay sa Amerika bilang caregiver dahil mayroon siyang Care Home roon.
“Noong unang paglinis ko sa matanda, sabi ko, “Kaya ko iyan’. Pero nang pagpasok na sa toilet at naamoy ko na, sumuka na ako,” nakangiting saad niya. Dagdag pa ni Klaudia, “Iyong palabas na Caregiver (starring Sharon Cuneta), totoo pala iyon, naranasan ko iyon, iyong sinasabunutan ka ng matanda, sasampalin ka. Naranasan ko ‘yung aawayin ka ng family, dahil iyong mga tao mo hindi nila nagustuhan ang pag-aalaga.”
Kabilang pa sa hindi malilimutan ni Klaudia ang mga taga-entertainment press, showbiz events, ang movie niya with Dolphy, nang naging semi-regular siya sa ‘Bubble Gang’, ang pagsabak niya sa sitcom na ‘Kiss Muna’ ni Joey de Leon, nang naging part ng seryeng ‘Mga Anghel na Walang Langit’ ng ABS-CBN, at iba pa.

KALBARYO SA ASAWA

Naging masalimuot ang kanyang bu­hay may asawa sa isang Chinese-American, na imbes na glorya ang maranasan nang manirahan sa US ay naging kalbaryo ito sa aktres. Nakaranas siya ng maraming verbal abuse rito at nauwi sa divorce ang kanilang relasyon. Dahil dito’y dumaan sa depression at nagtangkang magpakamatay si Klaudia.
Ngunit sa tulong ng pananalig niya sa Diyos at ng Iglesia ni Cristo, si Klaudia ay muling nakabangon sa mga pagsu­bok na ito at ngayon ay naka-focus na sa kanyang career sa Amerika at sa kinabukasan ng kanyang mahal na anak.
Panoorin ang kabuuang interbyu ng “Tambayan ng Tsika” kay Klaudia sa Abante Tonite Facebook Page, Abante News Online Facebook page, Abante Tonite Youtube channel at sa website na tnt.abante.com.ph.