KMU hinamon si Panelo: Mag-commute ka kaya!

Dahil giniit ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na wala pa umanong krisis sa pangmasang transportasyon sa bansa, hinamon siya ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na mag-commute nang isang linggo para umano “makita niya ang kalagayan ng ating mga kabababayan.”

“Hinahamon namin siyang bumiyahe sa EDSA mula North EDSA o kaya mula Santolan papuntang Maynila, papunta at pauwi mula Malacañang para makita niya ang kalagayan ng ating mga kabababayan,” sabi ni KMU Secretary General Jerome Adonis sa Philstar.com nitong Miyerkoles, Oktubre 9, 2019.

Kagabi, sinabi ni Panelo na wala pang krisis dahil nakakabiyahe pa umano ang mga pasaherong Pinoy.

“Mukha namang wala pa. Wala. Kasi nga nakakarating pa naman ‘yung mga dapat makarating sa kanilang pupuntahan. May transportation naman ah. Nakakasakay naman tayong lahat,” saad ng tagapagsalita.

Sinabihan din nito ang mga biyahero na mas agahan na lang ang pagpasok para ‘di ma-late sa pupuntahan.

Pinabulaanan ito ng KMU at sinabing walang alam si Panelo sa tunay na kalagayan ng mga komyuter sa bansa.

“Paano’ng walang krisis sa transportasyon kung nagkandasira na ang mga tren, [mahaba] ang pila sa mga istasyon, at siksikan at puro sabit sa mga jeep, at kandahirap ang ating mga kababayan papunta at pauwi sa trabaho o eskuwela?,” himutok ni Adonis.

“Huwag nilang takasan ang pananagutan at responsibilidad nila dito. Bilang gobyerno, sila ang dapat nagtitiyak na may episyenteng transportasyon para sa masa,” dagdag nito.

Matatandaang naantala ang paggana ng lahat ng pangmasang transit line sa Metro Manila ngayong linggo.

SDC