Sinibat ng defending champion Letran Knights ang tatlong sunod na panalo matapos kaldagin ang Perpetual Help Altas, 69-63, kahapon sa 92nd NCAA s­enior men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Tumuhog si Rey Nambatac ng 26 para sa Knights na lumakas ang tsansa na makahirit ng laro sa Final Four matapos ilista ang 8-7 karta para sa sixth place sa team standings.
Semplang sa pangatlo ang Altas hawak ang 10-4 karta.

Nag-ambag sina Bong Quinto, Jom Sollano at Jerrick Balnza ng tig 12, 11 at 11 puntos ayon sa pagkakahilera, para sa Letran na hinawakan ang 15-point lead sa halftime, 39-24.

Nakahabol ang Altas sa fourth quarter, 63-65 at may pagkakataon sanang magkaroon ng overtime kaso nagmintis si Daryl Singontiko sa isang libreng tira may 24 segundo na lang sa orasan.

Nagtala si Bright Akhuetie ng15 points at 13 rebounds habang sina Jeffrey Coronel at Singontiko ay nagtala ng 12 at walong puntos para sa Altas.

Samantala, hawak ng Arellano University Chiefs ang liderato na may 11-3 karta matapos pagpagin ang Lyceum of the Philippines, 78-75.

Pinasabog naman ng Jose Rizal University Heavy Bombers ang San Beda College Red Lions, 97-88, sa pangalawang laro.

Laglag sa second spot ang Red Lions kasama ang 11-4 baraha habang umakyat sa pang-apat ang Heavy Bombers tangan ang 9-6 record.

Mga iskor:

Letran 69 — Nambatac 26, Quinto 12, Sollano 11, Balanza 11, Apreku 4, A­mbohot 4, Calvo 1, Bernabe 0, Balagasay 0, Sario 0, Pambid 0.

Perpetual Help 63 — Akhuetie 15, Coronel 12, Singontiko 8, Pido 8, Dagangon­ 7, Eze 6, Dizon 5, Sadiwa 2, Ilagan 0.

Quarterscores: 13-13; 39-24; 54-47; 69-63.