Nagpasabog si MJ Dela Virgen ng 17 points para akayin ang JRU sa 82-74 panalo kontra Letran kahapon sa FilOil Flying V Preseason Premier Cup sa The Arena sa San Juan.

Sumahog ng five rebounds at two assists si Dela Virgen, bumakas sina Gio Lasquety at Teytey Teo­doro ng 12 at 11 markers para sa Heavy Bombers na malinis sa tatlong laro.

Sinandalan ng Knights si Rey Nambatac nang habulin ang 11-point deficit sa final stretch pero kinapos pa rin ang mga taga-Intramuros.

Kumana si Nambatac ng five straight points kasama ang 3-pointer para tapyasin sa apat ang hinahabol 78-74 may 1:11 na lang sa orasan.

Sumagot agad si Lasquety ng baseline jumper at dalawang free throws ni Dela Virgen at naselyuhan ng Kalentong-based squad ang panalo.

Masaya dahil nanalo pero hindi nagustuhan ni JRU coach Vergel Mene­ses ang pag-relax ng kanyang mga bataan.

“Akala nila hindi na makakabalik ang Letran, eh never-say-die lagi mga ‘yan,” wika ni Meneses.

Nagkamada si Nambatac ng 25 points, six rebounds at tig-three assists at steals para sa Letran na bokya pa rin sa panalo sa tatlong laro.

May 11 points at seven rebounds si Jeo Ambohot sa Knights.