
Sinakmal ng defending champion San Beda College ang three-game winning streak matapos lapain ang Letran 81-74 kahapon sa 93rd NCAA basketball tournament sa FilOil Arena sa San Juan.
Pumutok si Robert Bolick ng 22 points at tig-five rebounds at assists para balikatin ang Red Lions sa paglista ng 4-1 karta at lumapit sa nangungunang Lyceum of the Philippines.
Solo sa ibabaw ang Pirates na malinis sa apat na laro.
Naghabol ang Red Lions sa first half 35-27, pagkatapos mapagsabihan ni coach Boyet Fernandez ang mga bataan ay bumangis sa third quarter para agawin ang manibela 55-50 papasok ng fourth.
“We started strong but in the first few minutes of the ball game, Letran came back so credit to them and they even led,” ani Fernandez.
“I just challenged the guys in the locker room to stick with our system. Stick with our game plan and play as a team,”
Tumikada ng back-to-back baskets si Jayvee Mocon para ilayo ang iskor 79-70 pabor sa Mendiola-based squad may isang minuto na lang sa payoff period.
Tumapos si Mocon ng 17 points, 10 rebounds at eight assists, nag-ambag si AC Soberano ng 16 markers para sa SBC na ipinalasap sa Knights ang pangalawang talo sa apat na salang.
Si Jerrick Balanza ang namuno sa opensa ng Letran sa 20 points, bumanat si Bong Quinto ng double-double sa 19 points at 15 boards.
May 18 at 14 markers sina Rey Nambatac at JP Calvo para sa Knights.
Dinaan sa bilis ng Pirates para tambakan ang Arellano U 99-65 sa pangalawang laro, pinayuko ng EAC Generals ang Mapua Cardinals 77-72 sa unang sultada.