Kobe at Andre matatanggal ang malas sa pakikipagbati kay Jackie

Nakakaiyak ang mala-teleseryeng pagtatagpo ni Jackie Forster at ng dalawa niyang anak kay Benjie Paras na sina Andre at Kobe Paras.

After 12 long years ay reunited na ang mag-iina at naayos na sa wakas ang gusot sa pagitan nila.

Nu’ng isang gabi lang nagkita sina Jackie at Andre dito sa ‘Pinas, pero si Kobe ay nu’ng January pa unang nakita at nakasama ang madir nito sa Amerika.

Ang nakaka-touch ay si Kobe ang unang tumawag kay Jackie at tinanong kung puwede itong pumunta ng LA, na ginawa naman ni Jackie all the way from London kung saan siya nakatira with her family.

Nakakatuwa rin na inilihim nila ito at walang nakaalam. Isang buwan na nag-stay sa LA si Jackie, so nag-catch up at nag-bonding nang husto ang mag-ina roon.

Mga bata pa sina Andre at Kobe nang huli silang magkita. Ganu’n katagal, kaya feeling ni Jackie ay parang nanganak daw siya ulit.

Ang lalaking mama na ngayon ng magkapatid. 23-anyos na si Andre at 20-anyos na ang mas matangkad na si Kobe.

Si Andre na lang pala ang hindi pa nakikita nang personal ang half-siblings nito na sina Jared, Caleigh at Yohan. Si Kobe kasi ay naka-bonding na ang kanyang mga kapatid nang puntahan siya ng mga ito sa LA.

Kobe Lorenzo Forster Paras na ang name ni Kobe sa kanyang Instagram profile, na ibig sabihin ay ina-acknowledge na niya ang kanyang ina.

Common knowledge na matindi ang galit noon ni Kobe kay Jackie and there was a time na very vocal siya sa mga sama ng loob niya rito.

Maging sa social media ay naging open si Kobe tungkol doon, kaya maraming hindi natuwa kung paano nila tratuhin noon ni Andre ang sarili nilang ina.

With this positive deve­lopment, tila buong showbiz ay ikinatuwa ang emotional reunion ni Jackie with her two boys. Dream come true at wish granted ito sa isang nanay na matagal nagdusa sa kanilang masalimuot na sitwasyon.

Ang nakuha naming re­aksyon sa mga nakatatanda sa showbiz ay mabi-bless na raw si Kobe dahil sa ginawa niyang ‘yon sa kanyang Mommy Jackie.

Kahit kasi napaka-promi­sing ng binata sa basketball ay tila mailap sa kanya ang suwerte, na ang theory ng showbiz elders ay dahil hindi siya naging mabuting anak sa kanyang ina.

Kahit ano pa raw kasing naging kasalanan ni Jackie ay nanay pa rin niya ito, na dapat niyang mahalin at ires­peto.

Ang akala noon ng ma­rami ay si Kobe na ang ma­gi­ging unang Pinoy na papasok sa NBA. Pero sa kung anong kadahilanan ay tila laging nagkakaroon ng aberya at nauudlot ang kanyang mga plano.

Dala raw kasi ng binata ang bigat na ‘yon, so nga­yong natanggal na ito finally ay aalagwa na nang bongga ang career ni Kobe.

Maging si Andre ay parang hindi rin umangat nang todo ang showbiz career des­pite a promising start.

So, ngayon ay pagpapa­lain na raw ang Paras brothers dahil nagawa na nilang magpatawad at nagbalik-loob na sila sa kanilang ina.

***

Namatay sa cancer of the uterus ang ina ni Alfred Vargas nu’ng 2014, kaya personal para kay Alfred ang ipinu-push niyang maisabatas na Philippine Cancer Integration Act.

18 months na nag-battle with cancer ang mommy niya at nagkaroon ito ng malaking impact sa pamilya nila.

“No family deserves to suffer more after losing someone from cancer,” ang madamdaming bulalas ng actor-politician, na gagawin daw lahat ng kanyang makakaya para maipasa ang PCIA.

Base sa karanasan ng maraming Pilipino, ‘pag may miyembro ng pamilya na nagka-cancer ay nababaon ang mga ito sa utang. Tapos ay wala silang magawa kaya lalong nawawalan ng pag-asa.

Kaya isinusulong ni Cong. Alfred ang nasabing House Bill para ma-address nito hindi lang ang mga cancer patient kundi pati mga pamil­yang apektado ng nasabing sakit.

Ani Alfred, kapag naipasa nila ito ay magiging proud and happy siya sa kanyang trabaho bilang mambabatas dahil na-fulfill niya ito para sa kanyang nasirang ina.

Kahit abala sa trabaho niya sa Kongreso ay naisi­singit pa rin ni Alfred ang showbiz.

Masaya siyang kasama siya sa cast ng top rating primetime Kapuso soap na Kambal Karibal, na extended pa raw hanggang June.

Puring-puri niya rito ang young co-stars niyang sina Bianca Umali at Kyline Alcantara, na ang sabi ni Alfred ay parehong malayo ang mararating sa showbiz.