Kobe maraming napulot kay MJ

Hindi nalalayo sa ibang orgnansisyon na may unwritten rule din ang NBA teams na mga veteran ang naghaharing uri lalo ‘yung mga star, at sunud-sunuran lang ang rookies.

Batang-bata, teenager pa lang, si Kobe Bryant nang dumating sa Los Angeles Lakers noong 1996. Established stars na ang mga dinatnan niyang sina Shaquille O’Neal, Rick Fox, Robert Horry, Eddie Jones, Nick Van Exel.

Pero hindi tumiklop ang 17-year-old sa elders niya.

Tuwing matatapos ang laro ng Lakers at Bulls, tumatambay si Kobe sa tunnel para hintaying lumabas si Michael Jordan. Si Jordan ang pinakahuling lalabas ng locker room nila, napakatagal sa loob.

“But Kobe would wait and wait for him,” pahayag ni Tim Grover kay Ramona Shelburne ng ESPN.

si Grover ang personal trainer noon ni Jordan sa Chicago, kalaunan ay kay Kobe na rin sa LA.

“I mean there was literally nobody else in the building,” dagdag ni Grover. “Lakers security would be like, ‘Come on, come on Kobe, the bus is leaving,’ and you would hear different things, you know, ‘This effing kid da, da, da.’”

Pero nandu’n pa rin si Kobe, walang pakialam kahit naghihintay na ang team bus nila. Walang pakialam kahit nanggagalaiti na ang mga veteran sa paghihintay sa rookie nilang kasamahan.

Maganda ang resulta ng tiyaga ni Kobe. Naging magkaibigan sila ni Jordan, maraming natutunan si Bryant hanggang maging Kobe Bryant na siya, five-time champion. (Vladi Eduarte)