Gusto na ni Kobe Paras na mag-pro, pero hindi ibig sabihin ay sa PBA.

Nakabalik na ng bansa si Paras, sasabak sa Gilas 23 ng national team pool para sa 2023 at makakasama ang dating kaklase sa La Salle Greenhills na si Ricci Rivero.

Lunes ng tanghali ay binigyan ng Gilas supporter Chooks to Go ng homecoming press conference si Kobe sa Crowne Plaza sa Ortigas. Kasama niya ang amang si PBA Rookie-MVP Benjie Paras, naroon din si Rivero.

Galing US ang 6-foot-6 high-flying forward, handa na raw sanang lumaro sa Cal State Northridge pero nasibak ang kanyang coach na si Reggie Theus.

“Coach Regie, he got fired,” pahayag ni Kobe. “It was shocking to me that he got fired because I was ready to play.”

Nagdesisyon na bumalik ng Pilipinas, gusto na raw niyang mag-pro, pero hindi niya tinukoy ang ligang pinaglaruan at ginawan ng pangalan ng ama.

“PBA is a professional league, that’s all I’m gonna say,” lahad ni Kobe. “When I said I was going pro, there’s a lot of pro leagues out there.”

Nasa kalagitnaan pa lang ang 2017-18 PBA season, malayo pa ang draft. Ang kuya niyang si Andre ay naglalaro sa AMA Online Education sa PBA D-League.

Magko-concentrate muna si Kobe sa Gilas pool at dadalhin ang kanyang high-flying acts sa FilOil pre-season tournament.

“I’m focusing on the FilOil Premier Cup,” dagdag niya.