Na-starstruck ang Gilas cadet na si Kobe Paras ng kanyang makadaupang-palad si NBA rookie sensation Donovan Mitchell na kasalukuyang nasa bansa para sa ‘Spida in Manila Tour’ ng Adidas Philippines.
Sa presscon ng adidas sa Two Arkade, Bonifacio Global City, Taguig, inianunsiyo si Kobe Paras bilang bagong adidas ambassador at dito rin niya naabutan ang Utah Jazz guard na si Mitchell na sinagot ang ilang katanungan mula sa press.
Hindi inasahan ng media ang naging sagot ng 21-anyos na si Mitchell na sinabing ayaw nitong makakampi ang NBA superstar na si LeBron James kaya hindi ito sumasali sa panliligaw kay LeBron.
Nagulat rin daw siya ng mapasama ang pangalan niya sa first round ng 2017 NBA Draft na ginamit niyang motibasyon upang lalong mahasa ang kanyang laro.
Nagsilbing inspirasyon din ang NBA Rookie of the Year candidate sa kabataan na sinabing edukasyon pa rin ang pinakaimportanteng bagay sa buhay kahit pa kumikita na siya ng milyones sa paglalaro ng basketball.
“Homework is the most important thing. Basketball eventually stops. But if you have a degree, you can continue. The ball runs out of air. My parents kept me in line. As you grow older, you see the importance of homework.” pangaral nito sa kabataang Pinoy na atleta.