Kobe, Thirdy nilampaso ang Batang Gilas

Sapat na ang duo nina Kobe Paras at Thirdy Ravena para sa Gilas cadets upang turuan ng leksyon ang Batang Gilas, 75-54, sa tuneup game sa Kerry Sports gym sa Taguig nitong Biyernes.

Nanguna para sa cadets ang 20-anyos na si Paras sa kanyang 22 puntos katuwang si Rave­na, nakababatang kapatid ni NLEX super rookie Kiefer Ravena, na may 17. Pumorma naman para sa Batang Gilas si Kai Sotto nang magposte ng 12 puntos.

Anim na manlalaro lang mula sa Gilas cadet pool ang ginamit upang matulungan ang Batang Gilas sa kanilang paghahanda sa darating na FIBA U-17 World Cup na gaganapin sa Hunyo 30-Hulyo 8 sa Argentina.

“We’ve been making good progress. I think we are 70 percent right now. That was our first game with our new system,” ayon kay Batang Gilas assistant coach Josh Reyes.

Pagkatapos ng laro, game na nagpa-picture sina Kobe Paras sa mga batang fan upang magbigay inspirasyon rin sa mga nais sumunod sa kanilang yapak. (Ray Mark Patriarca)