Koko ‘di natuto kay Boyet

Dati nang laganap ang lungkot at pag-aalala ng mundo ng lokal na aliwan sa mga kakaibang nagaganap sa ating bayan. Mulat ang mga artista sa katotohanan na hindi biro-biro ang hindi natin nakikitang kalabang COVID-19.

Pero ang mundo ng entertainment ay mas naligalig nang tamaan ng virus si Christopher de Leon. Maayos na ang kanyang kalagayan ngayon at maaalala ang mahusay na aktor bilang isang mamamayang may malasakit sa kanyang kapwa.

Nang malaman ni Boyet de Leon ang kanyang kundisyon ay agaran niyang ipinaalam ‘yun sa kanyang FB account. Tinawagan din niya ang pamunuan ng ABS-CBN para sabihing mag-self-quarantine agad ang kanyang mga kasamahang artista sa isang serye para maobserbahan ang kanilang kundisyon.

Dulo at dulo ang pagkakaiba ni Boyet at ni Senador Koko Pimentel na alam nang nakakabahala ang kanyang kalagayan pero para pa itong modelong rumampa sa ospital at sa isang pangmayamang pamilihan.

Kaligtasan hindi lang ng kanyang sarili ang hinangad ni Christopher de Leon, nagmalasakit din siya sa kanyang mga kapwa artista, kabaligtaran ng mga taong gusto pang manghawa ng kanilang kapwa.

-o0o-

Hamon kay Iza laban lang!

Kasama sa mga panalangin namin ngayon si Iza Calzado. Positibo o negatibo man ang maging resulta ng kanyang pinagdaanang test ay hindi magbabago ang aming hiling na sana’y mapagtagumpayan niya ang paghamong ito.

Isa si Iza sa mga personalidad na hindi lang namin hinahangaan sa pagganap kundi binibigyan din ng sinserong pagrespeto. Hindi man kami nagkikita nang madalas, pero nagte-text kami. Hindi kubli sa amin ang malabahaghari niyang personal na buhay at malaking karagdagan sa pagpapahalaga namin sa kanya si Noel Ferrer na nagpapatakbo sa kanyang karera.

Laban lang!

-o0o-

Menggie Cobarrubias nagpaalam sa Facebook

Nakikiramay kami sa pamilyang iniwan ng mahusay na beteranong aktor na si Tito Menggie Cobarrubias. Tulad ng namayapang aktor na si Dick Israel ay malapit sa aming puso si Tito Menggie.

Hindi namin malilimutan ang mga pagkakataong dumadalaw kami sa shooting nila na agad nang maghahanap ng silya sina Tito Menggie at Dick para ibigay sa amin.

Ang mga mumunting alaalang ganu’n ay itatago namin nang panghabambuhay. Hanggang sa pinakahuli niyang hininga ay nakipaglaban si Tito Menggie, nagkaroon pa rin siya ng respetong mag-post ng goobye sa kanyang account, paalam sa kanyang mga mahal na kasamahan at sa mundo ng showbiz na minahal niya at nagbalik din ng respeto at pagmamahal sa kanya.

Ang taos-puso po naming pakikiramay sa kanyang mga iniwan. Hindi raw natin dapat sinasabi ang paalam dahil lahat naman tayo’y du’n din papunta, hanggang sa muli lang daw, pero huwag naman sana agad-agad.

-o0o-

Panalo ang bigas kahit walang ulam

Sabi ng isang kaibigan naming hindi naman kaluwagan ang buhay, “Dati, mahirap na ngang kumain nang walang ulam. Pero ngayong may COVID-19, ngayong nasa enhanced community quarantine tayo, mas mapahahalagahan mo ang bigas.

“Kahit wala nang ulam, basta may bigas lang, panalo na tayo sa araw-araw. Napakabagal ng oras ngayon, dalawang linggo pa ang bubunuin natin, paano kung pang-isang linggo lang ang kapasidad natin?” komento nito.

Isang kaibigan-kaklase naman namin ang nagkuwento, “Nakalulungkot ang panahon ngayon, ang dami-dami nang namamatay nang dahil sa COVID-19. Sana nga, matapos na ang pagsasakripisyo natin.

“Makabalik na sana uli tayo sa trabaho, hindi lang ang mga nabibiktima ng virus ang naghihingalo ngayon, sumisigaw na rin sa sakit ang wallet ko,” birong-totoo ng aming kaibigan.

Patuloy na pagdarasal at pag-iingat po ang dapat nating gawin. Huwag tayong mawawalan ng pag-asa.

Matagal man nating binabasa dahil sa kapal ng mga pahina pero bawat nobela ay may katapusan.

(30)