Ipinadala na ng Department of Justice (DOJ) kahapon ang summon kay Senator Aquilino `Koko’ Pimentel III kaugnay sa ginawang paglabag sa protocol ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ito ang kinumpirma ni Prosecutor General Benedicto Malcontento kung saan itinakda sa Mayo 20, ang preliminary investigation sa kasong isinampa laban kay Pimentel ni dating University of Makati law dean Atty. Rico Quicho.
Sinabi ni Quicho na ang kaso ay may kaugnayan sa pagsama niya sa kanyang misis noong Marso 24 na nakatakdang manganak sa Makati Medical Center kung saan dapat siya at naka- home quarantine matapos ang test sa COVID-19.
Nilabag umano ni Pimentel ang batas at ang guidelines na umiiral sa Enhanced Community Quarantine sa Luzon dahil hindi nito sinabi ang kanyang health status.
Bukod sa pagpunta sa ospital ay namataan din si Pimentel na nag- grocery sa S&R Supermarket habang naka-qurantine.
Kaugnay nito sinabi ni Quicho sa kanyang Facebook post na nakatanggap siya ng order sa DOJ na magpunta sa ahensiya limang araw matapos na ma- lift ang ECQ para isumite ang hard copy ng kanyang reklamo kay Pimentel at panumpaan ito.
Ayon sa mga legal expert, maaring patawan ng multa na ₱50,000 o maharap sa pagkakulong ng isa hanggang anim na buwan si Pimentel dahil sa pagkabigo na sumunod sa protocol bilang PUI sa COVID19.
Gayundin, maaari siyang patawan ng multa na P10,000 hanggang P50,000 o makulong ng hanggang isang taon dahil sa paglabag sa ECQ.
Una nang humingi ng paumanhin si Pimentel at ikinatwiran na ang pagpunta umano niya sa hospital ay essential. (Juliet de Loza-Cudia)