Koko sa DOJ: Ano ang deal kay Napoles?

Pinalalantad ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III sa Department of Justice (DOJ) ang deal o kasunduan para ipasok sa provisional coverage ng Witness Protection Program (WPP) si pork barrel scam queen Janet Lim Napoles.

Iginiit ni Pimentel na kung ang pinag-uusapan sa pagtestigo ni Napoles ay may kinalaman sa Pork barrel ay dapat na itong kalimutan ng DOJ dahil hindi maaaring maging testigo ang mastermind.

“Anong deal ng gobyerno sa iyo kasi ipapatestigo ka sa ibang kaso tapos itong mabibigat na kaso eh ang kulong mo dyan life sentence. Gusto nating malaman kung ano ang usapan kasi kung PDAF kalimutan na ng DOJ yan kasi hindi sya qualified,” giit ni Pimentel.

Sa paniniwala ni Pimentel, isa si Napoles sa mastermind sa PDAF scam kaya mahirap itong gawing testigo sa naturang kaso.

“Oo mastermind ibig sabihin kung ang kanyang (Napoles) theory ay puppet lang sya at may nagpapakilos sa likod nya pwede eh kaso sino ba yun, wala naman un,” diin pa ni Pimentel.

“Bakit natin papakawalan ung pinaka-nakinabang sa krimen para mahuli ung nakinabang ng mas konti sa scheme?,”pagtataka pa ng Senate President.

Kung may mga ikakanta anya si Napoles na ibang akusado sa krimen ay hindi dapat ito humihingi ng anumang kapalit.

Nanindigan naman ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero na hindi maapektuhan ng pagsasailalim kay Napoles sa WPP ang mga nakabinbin na kaso laban sa kanya at sa tatlong dating senador hinggil sa pork barrel fund scam.

Ipinaliwanag ni Escudero na ang pagtestigo ni Napoles ay maaari lamang ipatupad sa mga nakatakda pa lamang isampang kaso kaugnay sa katiwalian ng paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel fund.

“Itong pagtanggap ng DOJ sa kanya bilang bahagi ng WPP ay marahil may kinalaman sa mga kasong plano pa lamang nilang isampa. Hindi ito maaaring makaapekto sa mga kaso ni Napoles na isinampa na kung saan damay at idinawit siya bilang co conspirator,” giit ni Escudero sa panayam ng DWIZ.

Kasabay nito, binigyang-diin ni Escudero na hindi rin basta maiaalis sa kaso si Napoles dahil kinakailangan pa itong hilingin sa Sandiganbayan.

Gayundin anya ang hiling na ilipat ng kustodiya si Napoles na nangangailangan ng order hindi lamang ng isang dibisyon nito kundi ng lahat ng dibisyong may hawak ng kaso.

“May order ng commitment ang Sandiganbayan na ilipat sa Camp Bagong Diwa, kung mailipat sa DOJ kailangan muna ng permiso ng Sandiganbayan. Pero iba’t ibang dibisyon ng Sandiganbayan yun at hindi pwedeng isa lang,” diin pa ni Escudero.

Umaasa naman si Escudero na ang mga susunod na sasampahan ng kaso ay ibabatay sa mga ebidensya at hindi lamang magiging paghihiganti.