Kolehiyala halinhinang ginahasa ng 4 saka pinatay

Matapos halinhinang reypin ng apat na kalalakihan na kinabibilangan ng isang menor de edad, inararo pa ng saksak at iniwang hubo’t hubad ang 19-anyos na estudyante ng Philippine University College sa Barangay Abangay, Janiuay, Iloilo, nitong Linggo ng gabi.

Sa ulat ng Iloilo Police, ang biktimang kinilalang si Ronalyn Bravio ay natagpuang nakahandusay sa may pala­yan alas-6:50 ng gabi (Oktubre 27). Ang dalaga ay may mga tama ng saksak sa tiyan, noo, kanang mata at leeg.
Ginamit pa ng mga suspek ang bra at damit ng biktima para igapos ang kamay at paa nito.

Arestado naman sa follow-up operation ng pulisya ang dalawa sa suspek na sina Reymart Estoque, 18 at 15-anyos na itinago sa pangalang Junjun.

Sa imbestigasyon, ang biktima ay luma­bas ng bahay alas-5:10 ng hapon para bumili ng sabon sa isang tindahan may 300 metro ang layo sa kanilang lugar. Pag-uwi ay hinarang umano ito ng mga suspek.

Hinampas pa ng matigas na bagay sa ulo ang biktima saka halinhinang ginahasa habang walang malay. Nang makaraos ay saka pinagsasaksak ng ice pick hanggang sa mapatay.

Nadiskubre lamang ang krimen nang hanapin ng kanyang boyfriend ang kolehiyala kung saan una nitong natagpuan ang tsinelas at mobile phone ng kasintahan. Bukod dito’y kumanta rin ng 15-anyos na suspek na umano’y nakonsensya pero itinangging kasama siya sa humalay sa biktima. (Dolly Cabreza)