Kolehiyala ni-rape na, tinangayan pa ng 2M

Nilooban ng nag-iisang lalaki ang isang bahay, ginahasa ang isang estudyante at tinangay ang mahigit sa P2 mil­yong halaga ng mga alahas, gadget at cash sa Parañaque City kahapon ng madaling-araw.

Humahagulgol pa ang estudyanteng itinago sa pangalang ‘Cristy’ nang dumulog sa Parañaque City Police matapos pasukin at halayin sa kanyang silid ng ‘di nakilalang armadong suspek matapos taku­ting papatayin kapag pumalag.

Sa imbestigasyon ni PCpl. Mary Ellen Ramos, ng Parañaque Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD), unang pinasok ng suspek ang silid ng kapatid ni Cristy na si Mark, 21, sa ikalawang­ palapag ng kanilang tirahan sa isang subdivision sa Brgy. Don Bosco alas-2:30 ng madaling-araw. Ginapos ang dalawang kamay nito at binusalan.

Pagdaka’y tumuloy ang suspek sa silid ng dalaga at dito pinagsamantalahan.
Kasunod noo’y pinasok na ng suspek ang master’s bedroom at puwersahang binuksan ang mga drawer at cabinet na kinalalagyan ng mga alahas kabilang ang Patek Philippe at Audemars Piguet na relos na nagkakahalagang P1,980,000.00, P50,000 cash at P105,000 halaga ng digicamera.

Nang tumakas ay binitbit din ng suspek ang tatlong laptop at dalawang mamahaling cellphone ng magkapatid na may kabuuang halagang P295,000.
Nang matiyak ng dalaga na nakaalis na ang kawatan, pinuntahan niya ang silid ng kapatid, kinalag ang pagkagapos at inalis ang busal bago magkasabay nilang tinungo ang silid ng kasambahay na si Julie Lajo, 30, sa unang palapag na inabutan pa nilang natutulog.

Sa ngayon ay masu­sing binubusisi ng pulis­ya ang kuha ng close circuit television (CCTV) camera upang makilala ang nag-iisang suspek lalo na’t natuklasan ng pulisya na kabisado niya ang kabuuan ng bahay. (Armida Rico)