Kolehiyala ni-rape ng 2 schoolmate

Kalaboso ang dalawang estudyante ng Far Eastern University (FEU) matapos arestuhin ng mga pulis sa University belt area Police Community Precinct (UBA-PCP) nang humingi ng police assistance ang 19-anyos estudyante na kanilang pinagsamantalahan kamakalawa sa loob ng Cosmo Hotel sa may P. Campa St., cor España Boulevard, Sampaloc, Maynila.

Binitbit sa Manila Police District-Police Station 4 (MPD-PS4), ang mga suspek na sina Nicole Gonzales alyas ‘Nick’, 21-anyos, ng Sampaloc, Manila; at Justine Mari Angelo Jacela, 23, ng No. 1118 Dniper Bldg. Sta. Ana, Maynila.

Ayon kay P/Col. Robert Domingo, station commander ng MPD-PS4, naganap umano ang insidente sa pagitan ng alas-singko nang madaling-araw hanggang alas-siyete nang umaga sa Rm. 204 ng Cosmo Hotel.

Sa reklamo ng biktimang itinago sa pangalang Jen, 19, nag-inuman umano sila ng kanyang mga kaibigan sa Lakay’s Billiard sa P. Paredes St., Sampaloc nang dumating ang dalawang suspek at nakisama sa kanilang inuman.

Natapos umano ang inuman dakong alas-kuwatro nang madaling-araw kaya napagkaisahan nilang mag-check in sa hotel kung saan nag-book-sila ng dalawang kuwarto, isa para sa babae at isa sa lalaki.

Nang matutulog na ang biktima ay pumasok umano si Gonzales at pinalabas, pinapunta ang kasama nitong si Amy sa kabilang kuwarto.

Dala ng kalasingan walang nagawa si Jen nang pagsamantalahan ni Gonzales.
Nang makaraos ay pumasok naman ng kuwarto si Jacela at tinangka ring pagsamantalahan ang dalaga.

Nang makaidlip ang dalawang suspek, dito na tumawag sa UBA-PCP ang biktima dahilan para dakpin ang dalawa. (Juliet de Loza-Cudia)