Koleksyon ng basura tuloy pa rin

Huwag mag-alala na baka maipon ang mga basura niyo sa bahay ngayong nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine ang buong Luzon.

Sa kanyang televised Laging Handa public briefing nitong Miyerkoles, tiniyak ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na magpapatuloy ang koleksyon ng basura sa bawat bahay lalo pa ngayong nasa kanilang mga tahanan ang marami sa ating mga kababayan.

Bukod sa paghahakot ng mga basura ay magpapatuloy din aniya ang ilang “critical services” tulad ng mga punerarya at gasolinahan.

Mga local government unit ang nangangasiwa sa koleksyon ng basura sa kanilang mga nasasakupan.

Ayon sa mga eksperto, umaabot sa 35,000 tonelada ng mga basura ang nahahakot kada araw at mahigit 8,600 kada araw sa Metro Manila pa lamang.

Nauna rito, inihayag ng pamahalaan na mga establisimiyento lamang na sangkot sa produksyon ng mga pangunahing pangangailangan katulad ng pagkain, gamot, mga bangko at remittance center ang mananatiling bukas sa panahong ipinatutupad ang Enhanced Community Quarantine sa Luzon.

Magpapatuloy din sa kanilang operasyon ang mga public utility sa tubig, kuryente, internet, at telecommunication. (PNA)