Koleksyon ng mga simbahan apektado sa COVID crisis

Apektado rin ang koleksyon ng mga simbahan sa krisis na dulot ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Base sa CBCP News, aminado ang ilang Obispo ng Simbahang Katolika na malaki ang naging epekto sa kalagayang pinansiyal ng mga parokya at diocese ng dalawang buwan na lockdown dahil sa COVID crisis.

“The financial effect to the parishes is tremendous,” ayon kay Bishop Broderick Pabillo, administrator ng Manila Archdiocese.

Simula kalagitnaan ng Marso ay kanselado ang mga misa dahil sa banta ng COVID-19.

Hindi pa matiyak ng mga simbahan kung hangga’t kailan matatagalan ang kawalan ng kontribusyon mula sa kanilang mga parishioner.

Ayon kay Bishop Pabillo, kailangan din ng suporta ng mga parish personnel dahil naglalabas din ng pera ang mga simbahan para mabigyan ng pagkain ang mga mahihirap na naninirahan sa kanilang lugar.

“The parishes help one another. Those who have resources help those who do not have enough,” ayon pa kay Bishop Pabillo.

Isa ang Diocese of Balanga sa apektado ng pandemya subalit hindi pa rin ito tumigil sa pagtulong sa mga nangangailangan, ayon kay Bishop Ruperto Santos.

Ibinigay umano ni Bishop Santos at ng mga kasamang pari ang kanilang monthly allowance para sa suweldo ng mga personnel ng diocese.

“We are utilising our savings and supposed to be the every year dividends of the priests,” ayon pa kay Bishop Santos.

Sa loob ng dalawang buwan ay hindi na rin umano nila naniningil sa mga nangungupahan sa mga property ng simbahan.

Sa Diocese of San Carlos ay hinimok ang mga parokya na magtipid sa kanilang gastusin.

“We expect our revenues to fall. People have no money and we have to do a lot of charitable works,” sabi ni Bishop Gerardo Alminaza.

Ang general policy aniya ng diocese ay iwasang magtanggal ng empleyado upang hindi na makadagdag pa sa problema ng kawalan ng trabaho ng mga tao ngayon.

“If need be, we have to retool or reschedule our personnel to take on new jobs that the new situation calls us,” ayon pa kay Bishop Alminaza.

Nauna rito ay nanawagan ang isang lay Catholic organization sa mga mananampalataya na suportahan ang kanilang mga parokya ngayong may pandemic.

Panawagan ng Council of the Laity of the Philippines sa mga Katoliko na ipagpatuloy ang kanilang kontribusyon sa simbahan bilang isang mahalagang tungkulin ng isang miyembro nito.