Kolektor ng basura sa Pasig palpak — Vico

Hiningan ng paliwanag ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang kolektor ng basura sa kanilang lungsod dahil sa palpak na serbisyo nito.

Ito’y matapos isyuhan ng pamahalaang lungsod ng 50 notice of violation ang kolektor na IPM Holdings dahil hindi nito nakokolekta sa tamang oras ang mga basura.

“On the next non-holiday, we will formally ask the contractor to give us an official explanation as to the worsening collection. Sa ngayon, ang sinasabi lang nila ay may problema sila sa truck o may kulang sa crew,” nakasaad sa Facebook page ni Sotto.

Kasabay nito, nakiusap din si Sotto sa mga residente na iwasan muna ang pagkakalat ng basura dahil ginagawa na nila ang lahat para makuha ito sa tamang oras sa tulong ng Solid Waste Management Office at para masolusyunan ang tamang pangongolekta ng mga basura sa Pasig.

Nabatid na ang IPM Holding ay mahigit 20 taon nang kolektor ng basura sa Pasig City at nagkaroon lamang ng bulisyaso ngayong taon kung saan ay hindi nakukuha ang mga basura sa mga barangay at kakulangan ng mga trak na panghakot ang ginagawang rason ng kontraktor.

“The only thing I can confirm at this point is that their contract will end this February 2020 and we are having a public bidding for this soon. We are also working on procuring LGU garbage trucks for backup collection when needed,” ayon pa kay Sotto.

Kamakailan lang ay sunod-sunod na reklamo ang natatanggap ng alkalde sa social media mula sa mga Pasig netizen na ikinabahala ni Sotto. (Vick Aquino)