Patay ang isang kubrador ng small town lottery (STL) makaraang pagbabarilin ito habang pauwi sa kanilang bahay sa Sariaya, Quezon kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Marvin Aclan Cabaysa, 32, residente ng Barangay Lutucan, Sariaya.

Batay sa report, bandang alas-10:25 ng gabi, sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima galing sa STL station at pauwi na sa kanilang tahanan ng tambangan at pagbabarilin ng mga suspek.

Nagtamo ng mga tama sa likod ang biktima na agad nitong ikinasawi.

Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril.

Narekober pa sa biktima ang halagang P51,235 cash na pinapalagay na premyong napanalunan sa STL.