Siguradong mawawasak na naman ang mundo ng isang kilalang mapagkomedyang personalidad dahil sa paghihiwalay nila ng kanyang girlfriend. Tama, mukhang becki lang ang komedyante dahil sa kanyang mga atake pero lalaking-lalaki siya, babae ang kanyang hanap.
‘Yun ang kanyang hina. Kaya niyang labanan ang mga intriga, nakaahon nga siya sa matinding kahirapan, pero pagdating sa usapin ng puso ay singlambot ng kutsinta ang emosyon ng komedyante.
Minsan nang nagkawindang-windang ang buhay at karera ng komedyante nang dahil sa pag-ibig. Nang magkaroon siya ng problema sa puso ay dumarating siyang wala sa sarili sa studio ng programang unang nagbigay sa kanya ng oportunidad na makilala ng publiko.
Sabi ng isang source, “Nale-late siya sa taping, e, ‘yun ang pinakaayaw ng main host ng show, di ba? Pagdating niya sa set, parang wala siyang tulog, parang wala sa sarili, kaya siya nawala sa show.
“Mahina siya pagdating sa lovelife niya. Kapag problemado siya, parang tinatangay ng hangin ang utak niya. Malalim siyang magmahal,” sabi ng aming kausap.
May kuwento pa nga na masyado siyang nagpapa-under sa kanyang karelasyon, kung ano ang gustong mangyari ng babae, ‘yun ang kailangang masunod. Wala na siyang palag.
Ngayong balitang nagkahiwalay na sila ng kanyang karelasyon ay maraming nag-aalala, siguradong makaaapekto na naman ‘yun sa trabaho niya, lulutang na naman ang mga istoryang hindi kagandahan tungkol sa magaling pa namang komedyante.
Dagdag na punto pa ng aming impormante, “Hindi siya dapat nagpapaapekto sa ganu’n. ihiwalay niya dapat ang problema niya sa lovelife niya sa trabaho niya. Nagkaroon na siya ng magandang kapalaran, huwag na dapat niyang pabayaan ‘yun.
“Maraming isda sa dagat, hindi man kagandahan ang itsura niya, e, marami pa ring magmamahal sa kanya dahil mabait siya at kilala na ngayon. Maraming umaasa sa kanya, nand’yan ang family niya na naiahon na niya sa hirap, huwag siya magpapamando sa puso niya,” pagtatapos ng aming source.
Teka. Tama!
John Lloyd at Ellen nakakayamot
Punumpuno ng sorpresa ang drama nina John Lloyd Cruz at Ellen Adarna. ‘Yun ang sa palagay nila. Dahil ang mga sorpresa nila’y lantad naman, kumbaga sa regalo ay alam na ng publiko ang laman, ano pa kaya ang sorpresa du’n?
Pero ‘yun ang gusto nila, walang basagan ng trip, sakyan na lang natin ang kanilang mga drama. Nakakayamot lang dahil ginagawa nilang engot ang mga kababayan natin pati na ang mga reporters at mga tagasubaybay nila.
Mula nang maging magkarelasyon sila na nakikita na ng publiko na naghahalikan sa kanilang mga posts sa Instagram hanggang sa mapabalitang nagli-live-in na sila hanggang sa magdalantao na ang sexy actress ay wala naman silang inaamin tungkol sa kanilang relasyon.
Pipi lang sila, bulag sa mga tanong, bingi sa mga komento ng publiko. Pero sa kanilang pananahimik ay parang nilalawitan naman nila ng bitag ang mga umuusyoso sa kanilang relasyon.
Naglalabas sila ng mga retratong naglalambingan sila, gala sila nang gala sa kung saan-saan habang magkahawak-kamay at magkayakap, nakita pa nga sila sa isang kilalang ospital para sa pagpapa-pre-natal check-up ng nagdadalantaong sexy actress.
Pero wala silang kumpirmasyon tungkol sa lahat ng ‘yun, pinababayaan lang nilang manghula ang publiko, di ba naman kakaiba talaga at kanilang-kanila lang ang mga trip nina Lloydie at Ellen?
At ngayon, heto ang bago nilang drama, nag-post na sila ng isang baby crib na may kumbinasyon ng mga kulay na brown, green, orange at peach. Walang kulay asul. Kaya ang hula ng bayan, babae ang magiging anak nila, babae talaga!
Sagana talaga sa promo ang relasyong ito. Sinosorpresa nila ang publiko pero ang mga sinasabi naman nilang regalo, nakalantad pa sa social media!
Mukha n’yo!