tonite-no-thanks-cristy-ferminIlang tulog at gising na lang ay magaganap na ang pagpa-file ng certificate of candidacy ng mga kakandidato sa iba-ibang posisyon sa susunod na taon.

Maraming kilalang persona­lidad na balitang-balitang tatakbo, merong pangnasyonal, meron din namang gustong makapaglingkod sa kanilang sariling bayan at probinsiya.

May mga napapabalitang kakandidato nu’n na bumitiw na, umurong na sa laban hindi pa man, pero merong mga personalidad na handang pumasok sa mundo ng pulitika anuman ang mangyari.

May isang kilalang male personality na inaalok na tumakbo ngayon sa isang malayong probinsiya, gagastusan siya ng partidong kumukuha sa kanya, pero ang papel lang niya ay bilang panggulo sa eleksiyon.

Kuwento ng aming source, “Mukhang tinanggap na niya ang offer, mukhang kakandidato nga siya sa probinsiyang hindi niya naman kinalakihan pero dodoktorin na ng partido nila ang residency niya.

“Malaki kasi ang kakambal nu’ng offer sa kanya, milyones ang halaga, kaya hindi na pinalampas ‘yun ni ____(pangalan ng isang male personality na nalilinya sa pagkokomedya).

“Pinaghahandaan na niya ang pagtakbo, naniniwala siya na dahil kilala nga siya, e, malaki ang laban niya sa probinsiyang ‘yun!
“Dati na siyang tumakbo sa sarili niyang bayan, pero olats siya, nganga ang kinalabasan niya. Baka nga naman this time, makalusot na siya sa laban,” natatawang komento ng aming impormante.

Clue ba kanyo?

Sabi ng aming source, “Huwag nang long, short clue na lang. Komedyante siya.”

Ayos!
***

Willie hindi tatakbo sa eleksyon

Sabayan nang nagdeklara ng hindi pagtakbo sa dara­ting na halalan sina Willie Revillame at Kris Aquino.

Walang positibong sagot na napala ang mga pulitikong ilang buwan na bumantay kay Willie para siya imbitahing pumasok sa pulitika.

Pinakinggan lang ng aktor-TV host ang kanilang mga kuwento, pero sa pinakahuling sandali, siya pa rin ang nagdesisyon. Hindi siya tatakbo sa anumang posisyon sa darating na eleksiyon.

Ikinaligaya ng kanyang mga tagasuporta ang desisyon ni Willie, tamang desisyon ayon sa kanyang mga loyalista, ipagpatuloy na lang daw niya ang pagtulong sa mga kapus-palad nating kababayan kahit wala siyang posisyon sa gobyerno.

Sabi ni Willie, “Hindi kasi madaling desisyunan ang ganu’ng klase ng alok. Seryosohan na ‘yun, oras na sumagot ka, wala nang bawian. Alam n’yo naman na kaligayahan ko na ang pagtulong sa mga kababayan natin.

“Pero puwede naman tayong tumulong nang wala tayo sa posisyon. Binalanse ko ang sitwasyon. Ramdam ko na hindi ako para sa mundo ng pulitika,” seryosong pahayag ng host ng “Wowowin”.

Ganu’n din ang posisyon ni Kris Aquino, walang-wala sa kanyang utak ang pakikipaglaban sa darating na eleksiyon, maraming kumukumbinse sa kanya dahil sigurado na ang kanyang panalo pero tumanggi pa rin si Kris.

Nakahulma na sa kanilang pamilya ang pulitika, mula sa kanyang mga magulang hanggang sa kanyang kuya, pero lumilihis si Kris sa kapalaran ng kanilang angkan.

Hindi pa ngayon. Kung sakali mang pumasok na nga sa mundo ng pulitika ang aktres-TV host ay hindi pa nakadi­senyo sa darating na halalan ang kanyang pagtakbo sa isang mataas na posisyon.