Matapos ihalal ang mga opisyal ng Senado nitong Lunes, ang chairmanship at membership naman ng mga komite ang pinunan ng liderato ng kapulungan kahapon.
Sa manipestasyon ni Senate majority leader Vicente Sotto III at inaprubahan ng mga senador, napunta kay Senate President Pro-Tempore Franklin Drilon ang committee on constitutional amendments and revision of codes.
Napunta kay Sen. Panfilo Lacson ang public order and dangerous drugs, kay Sen. Bam Aquino ang education at kay Sen. Nancy Binay ang tourism.
Nanatili naman kay Sen. Grace Poe ang public services gayundin ang ways and means kay Sen. Sonny Angara at finance kay Sen. Loren Legarda. Nakuha ni Sen. Francis Pangilinan ang agriculture and food, justice and human rights kay Sen. Leila de Lima, national defense and security kay Sen. Gregorio Honasan; urban planning, housing and resettlement kay Sen. JV Ejercito at energy kay Sen. Sherwin Gatchalian.
Kay Sen. Manny Pacquiao ang public works; labor, employment and human resources development kay Sen. Joel Villanueva; civil service, government reorganization and professional regulation kay Sen. Antonio Trillanes; at commerce and entrepreneurship kay Sen. Juan Miguel Zubiri.
Si Sen. Risa Hontiveros sa health and demography; kay Sen. Cynthia Villar ang social justice, welfare and rural development at environment and natural resources; at si Sen. Richard Gordon sa Blue Ribbon Committee.