Nagbabala ang Department of Finance (DOF) na nanganganib na maipasara o bawian ng lisensiya at kakasuhan pa ang mga kompanya ng langis na magpapatupad agad ng dagdag-presyo sa kanilang mga produkto na bahagi pa ng imbentaryo nila noong 2018.
Sinabi ito ni DOF Assistant Secretary Tony Lambino dahil na rin sa ipatutupad na second tranche ng oil excise tax sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ngayong 2019.
Aniya, maaari lamang magpatupad ng excise tax ang mga kompanya ng langis kapag naubos na ang kanilang imbentaryo noong nakaraang taon.
Sa sandaling mapatunayan aniya na hindi sumunod ang mga kompanya ng langis ay mahaharap ang mga ito sa kasong administratibo katulad ng pagpapasara ng negosyo o pagbawi sa kanilang lisensiya.
Maaari rin umanong maharap ang mga ito sa kasong kriminal tulad ng estafa. (Juliet de Loza-Cudia)