Bukod sa pangunguna sa laban kontra iligal na droga,­ pagsugpo sa iba’t ibang krimen ni Quezon City ­Police District (QCPD) Director Senior Supt. Guillermo­ Eleazar­ ay mistulang big brother ang kanyang papel sa mga residente ng Quezon City na nililigalig ng mga ­nasasagasaang sindikato ng iligal na droga.

Kaya naman napakaaktibo sa ngayon ng mga residente­ ng lungsod sa pakikipagtulungan sa kapulisan sa pagbibigay ng mga impormasyon patungkol sa mga hindi­ kanais-nais na pangyayari sa kanilang komunidad.

Dahil sa puspusang operasyon ng QCPD ay tila­ umaaray na raw ang mga sindikatong nasagasaan sa pinaigting na operasyon kontra iligal na droga sa Quezon­ City, partikular sa Barangay Culiat na dati ay “untouchable” pero mapangahas na in-operate ng QCPD sa pangunguna ni Director Eleazar.

Matatandaang nitong Lunes ng madaling-araw ay isang granada ang inihagis at pinasabog sa Salaam Mosque Compound sa Culiat na nagresulta sa pagka­kasugat ng apat na pulis at tatlong barangay tanod na kinilalang sina PO3 Jaalin Abdurajik, PO2 Abdulwarid Julaid, SPO1 Romeo Amming, at retired SPO4 Sala Uddin. Sila ay mga miyembro ng Police­ Security Protection Group (PSPG) ng Philippine­ National­ Police. Ang mga volunteer namang nasugatang sina­ Khadafi Udhan, Alex Taluyan at Junrey Tioc ay pawang residente ng Barangay Culiat na kusang nagboluntaryo na magpatrolya sa kanilang lugar.

Sinasabing nagmula ang granada sa dalawang lalaking­ magkaangkas sa motorsiklo na naghagis sa mga pulis at volunteer na nagpapatrolya sa lugar.

Kaya naman iniutos ni Director Eleazar ang imbes­tigasyon sa pag-atake kung saan ay personal­ din nitong­ binisita sa ospital ang mga biktima at nangakong­ ­tutulong sa kanilang gastusin.

Dahil sa pangyayari, hindi inaalis ng opisyal ang posibilidad na kagagawan ito ng mga sindikato ng ­iligal na droga na nais na maghiganti sa pinaigting na operasyon ng QCPD.

Ang Barangay Culiat ay naging notoryus dahil sa loob ng matagal na panahon ay naging kuta at pugad ng mga tulak at adik sa droga.

Pero dahil sa serye ng mga raid ng QCPD, ang pamamayagpag ng iligal na droga ay nasawata at nagbunsod sa mga residente sa lugar na magkaroon ng lakas ng loob na lumaban sa sindikato.

Kaya ang resulta, mismong ang mga residente, sa pangunguna ng mga pulis na residente sa lugar ang naninindigan at kusang nakikipagtulungan para hindi­ na ulit makaporma ang mga sindikato.

Naging maganda nga naman ang resulta ng mga pagsalakay ng mga tauhan ni Director Eleazar dahil nabawasan na ang krimen sa kanilang lugar at ayon mismo sa mga residente, mas tahimik at maayos na ang kanilang pamumuhay sa Barangay Culiat.

Ang nasimulang ito ang ayaw nang masayang ng mga residente kaya naman sila ay naninindigan na hindi­ padadala sa mga pananakot ng sindikato lalo pa’t may sinasandalan sila na mga mapagkakatiwalaang puwersa­ ng QCPD sa pangunguna ni Sr. Supt. Eleazar.

Sa madaling salita, ang mga residente ay naging inspirado at ganado na ituloy at maging katuwang sa pagpapa­natili ng nasimulang pagbabago sa kanilang komunidad.

Ganito sanang lahat ang mga district director na sa halip na katakutan ay gawing big brother ang mga opisyal tungo sa mas mabilis na pagresolba sa mga krimeng nangyayari na magdudulot ng katahimikan sa buong komunidad.