AFP sa Makabayan bloc

Hinamon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Makabayan party-list bloc sa Kongreso na kondenahin ang mga gawain ng New People’s Army (NPA) upang patunayan na hindi nila kaal­yado ng mga komunista na katulad ng sinasabi nila.

Ayon kay Major General Antonio Parlade Jr., hepe ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, ito na ang tamang pagkakataon para patunayan ng Makabayan party-list bloc na mali ang AFP sa pagparatang na iisa ang kanilang mga adhikain sa komunistang grupo.

“Puwede niyo bang ikondena ang mga tero­ristang NPA sa mga pinagagawa nilang karahasan? Kung hindi niyo magawa ito, wala nga kayong pinag-iba kay Joma Sison, sampu ng kanyang kampon sa Kamatayan (Makabayan) Bloc,” ayon kay Parlade.

Kung hindi kayang ikondena ng Makabayan bloc ang mga gawain ng NPA, ito lamang ang magpapatunay na sila nga ay isang ‘legal front’ ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Nanawagan din ang AFP sa lahat ng mga Pilipino na huwag magpalinlang sa mga matamis na pangako ng mga makakaliwang grupo.

“Idadamay at ipapahamak lang kayo habang sila ay nagpapasarap at nagtatago sa legalidad ng Kongreso,” dagdag pa ni Parlade.

Giit nito, walang dahilan upang magalit sa kanila ang Makabayan bloc sa pag-akusa na sila ay may kaparehong adhikain ng mga komunista dahil na rin sa mga pahayag ni Jose Ma. Sison, founding chairman ng CPP. (Vick Aquino)