Kongreso ‘di bubuwagin sa federal government

Hindi bubuwagin ang dalawang kapulungan ng Kongreso kapag natuloy ang pag-amiyenda sa Saligang Batas at palitan ng Federal system ang gobyerno mula sa kasalukuyang presidential form of government.

Ito ang tiniyak ni House Secretary General Atty. Cesar Strait Pareja sa mga nangangambang empleyado ng Kamara na mawawalan ang mga ito ng trabaho kapag nagpalit na ang sistema ang gobyerno.

Ginawa ni Pareja ang pahayag dahil sa seminar sa mga empleyado ng Kongreso ukol sa Federal system of government na nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na maipatupad habang siya ang Pangulo ng bansa.

Sa katunayan, mas marami pang empleyado umano ang kakailanganin sa ilalim ng federal form of government kumpara sa presidential form kung saan ang Senado at Kamara lang ang gumagawa ng batas para sa national government.

“If the country shifts to federalism, there will be federal legislature in every federal state, which means that the ­experience and expertise of the House Secretariat officials and employees will be needed,” ani Pareja.

Sa ngayon ay may nag-iisang ­panukalang batas na nakahain sa Kamara para palitan ang sistema ng ­gobyerno ­mula presidential ­tungo sa Federal na inakda ni Parañaque Rep. Gustavio Tambunting.