Kongreso inaawat sa pagsawsaw sa EJK probe

Dahil sa masama umanong tingnan at parang nagiging teleserye pa ang eksena kaya mas mabuti pa ayon kay Isabela Rep. Rodolfo ‘Rodito’ Albano III na lubayan na lamang ng Kongreso ang pagkalkal sa nangyayaring patayan na may kinalaman sa iligal na droga.

Mas maigi, ayon kay Albano, kung ipauubaya na lamang sa mga kinauukulang tanggapan ng gobyerno ang imbestigasyon tungkol dito.
“Pabayaan na natin kasi marami naman na rin may Ombudsman, may korte, may NBI  para mag-imbestiga nyan. Ang hirap kasi ‘pag sumasawsaw ang Kongreso diyan e.

Alam mo ang daming natalong senador dahil sa kaiim­bestiga wala namang nangyari. Kaya pabayaan na natin ang mga institusyon na itinalaga ng batas na mag-imbestiga nyan nasa kanila ang tungkulin. Hindi naman porke may problema puro Kongreso na lang,” pahayag ni Albano sa isang panayam kahapon.

Mainam aniya na magsagawa ng imbestigasyon ang mga concerned agencies at kadalasan pa ang mga nangunguna sa im­bestigasyon sa panig ng Kongreso ay inaabot ng alat.

“Hindi pa nga nag-iimbestiga ang NBI, hindi pa nga nag-iimbestiga ang dapat mag-imbestiga ang kapulisan natin tapos bigla na lang tayong papasok diyan. Masama tingnan.

Pati ang taumbayan nawawala ang tiwala sa amin… parang teleserye tingnan mo ang nangyari sa kaibigan kong si Senator (TG) Guingona tuloy nagpaimbestiga siya, imbestigasyon nang imbestigasyon, hinihintay ng tao ang resulta walang nangyari,”paliwanag ni Albano.