Ibinabato ni Budget Secretary Benjamin Diokno ang sisi sa Kongreso sakaling maantala ang mga proyekto ng administrasyon kapag hindi naisabatas ang 2019 national budget bago matapos ang taon.
Babala ni Diokno, anumang taas na sahod ng mga kawani ng pamahalaan tulad ng mga guro at sundalo na ipinangakong matutupad sa 2019 ay hindi mangyayari kapag nagkaroon ng reenacted budget.
Dagdag pa ni Diokno, hindi masisimulan ang kahit anumang bagong proyekto hanggang hindi naaaprubahan ang 2019 General Appropriations Act (GAA).
“The failure of Congress to pass the GAA before December 31 will not allow us to do that. Add to this the election ban from March to May and you have a five-month implementation gap for our infrastructure projects,” ani Diokno.
Kapag hindi naisabatas ang 2019 national budget, magiging reenacted budget at hindi makakagawa ng bagong proyekto ang pamahalaan maliban na lang kung payagan aniya ito ng Kongreso.