Inaasahang mareresolba na ang matagal nang hinaing ng mga residente sa isang resettlement site sa Brgy. Batia, Bocaue, Bulacan hinggil sa marumi at kontaminadong tubig na ikinasawi ng isang 3-anyos na paslit kamakailan nang magka-diarrhea matapos tiyakin ng pamahalaang-bayan na kakausapin nila ang developers ng lugar para sa maayos na water system.

Ayon kay Bocaue Mayor Joni Villanueva-Tugna, kakausapin niya ang developers ng St. Martha Estate Homes na nasa Barangay Batia para masolusyunan ang kontaminadong tubig na dumadaloy sa gripo ng mga informal settlers mula sa Metro Manila.

Nag-ugat ang reklamo ng mga naninirahan sa resettlement site nang pumanaw noong Setyembre 3 ang 3-anyos na si Justine Billones bunga ng diarrhea matapos makainom ng madumi at kontaminadong tubig, habang ang 2-anyos na kapatid na babae ay kalalabas lamang ng pagamutan dahil sa diarrhea.