Konting kandirit na lang… magiging kuya na si Bimby!

James Yap

“BAKA sa Monday, pero hindi pa sure.”

Iyun ang text sa amin ni James Yap nang tinanong namin kung kailan na talaga manga­nganak si Michela Cazzola.

Dapat kasi, noong huling linggo ng July pa ang due ni Michela pero hindi natuloy.

Kaya ang sabi raw ng OB-Gyne nito, posibleng sa susunod na linggo na talaga.

Excited na si James at ang buong pamilya.

Ang gusto sana ni Michela, normal delivery siya kaya ipinagdasal nilang lahat na maging safe lang ang kanyang panganganak.

Kinamusta uli namin kay James si Bimby Yap pero hindi na naman siya sumagot.

Pagdating sa anak niya kay Kris Aquino, tahimik si James. Ayaw na niya kaming sagutin.

Mas mabuting tahimik na lang daw at huwag nang pag-usapan.

Pero hindi pa rin maiwasang mabanggit si Bimby dahil iyun pa rin ang natatanong ng ilang fans.

Noong nag-post siya sa Instagram niya ng throwback picture niya noong bata siya, ang daming nag-comment na kamukhang-kamukha pala siya ni Bimby noong bata pa ito.

Excited na rin karamihan na sa susunod na linggo ay magiging kuya na si Bimby.

***

Ngayong araw na magsisimula ang 12th Cinemalaya Independent Film Festival na bubuksan ng pelikulang 1-2-3 ni Carlo Obispo sa CCP Main Theater.

Ang ilan sa mga bagong handog ng Cinemalaya ay ang free screening ng mga Japanese Films na featured sa Visions of Asia section.

Libre ring mapapanood ang 17-minute short film ni Lav Diaz na Ang Araw Bago ang Wakas.

Mapapanood ito sa August 13 nang 10:00AM, 10:40AM at 11:30AM.

Sa Green Carpet Screening Section ay ipi-feature din ang pelikula ni Ellen Ongkeko-Marfil na Lakbay2Love sa Pay-What-You-Can scheme, pero posibleng magwagi ng bagong bisikleta ang lucky audience.

Sa last day nito sa August 13 ay mapapanood ang closing film na Ang Hapis at Himagsik ni Hermano Puli starring Aljur Abrenica na dinirek ni Gil Portes.