Kahit naging BFF ngayon ang relasyon ng pamahalaan ng Pilipinas at China, marami pa rin sa mga kababayan natin na ang tingin sa China ay kontrabida na hindi mapagkakatiwalaan.
Pero bago ang China, pag-usapan muna natin ang sikat na naman ngayon na kantang “Manila” ng grupong Hotdog. Pinalagan kasi ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio ang pagpapatugtog ng nabanggit na awitin nang pumarada ang mga atletang Pinoy sa opening ceremony ng SEA Games.
Dahil nagmula sa Mindanao, marami ang nakaunawa kay mayora kung bakit nga naman “Manila” ang tugtog gayung buong Pilipinas ang dapat na ibinida sa naturang sitwasyon. Kaya naman marami tayong mga katsokaran na nagtanong at nag-isip kung ano nga ba ang nararapat na kantang pinatugtog doon na kakatawan sa buong bansa — at sa lahat ng manlalaro saan mang lalawigan o rehiyon siya nagmula.
Hirit ng isa nating kurimaw na nagtaas ng kilay nang malamang pre-taped pala ang pagsisindi ng cauldron sa opening ng SEA Games, dapat daw eh theme song na lang ng “Eat Bulaga” (na nagsasabing “Mula Batanes hanggang Jolo” at “isang libu’t isang tuwa, buong bansa”…) ang pinatugtog sa halip na “Manila”.
Ang isa naman nating kurimaw, sinabing puwede naman ang “Manila” pero dapat pinalitan ng “Pilipinas” ang salitang “Manila”. In short, sa halip na “hinahanap-hanap kita Manila,” magiging “hinahanap-hanap kita Pilipinas”.
Pero dahil tapos na ang lahat sa opening, abangan na lang natin kung may kantang babaguhin sa closing ceremony at ano naman kaya mapupuna.
Samantala, lalo pang lumalim ang kawalan ng tiwala ng mga Pinoy sa China sa kabila ng ginagawa ng kasalukuyang administrasyon na pabanguhin ang imahe ng naturang bansa. Batay kasi sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations na ginawa noong Setyembre, lalo pang dumami ang mga Pinoy na ayaw sa China.
Kung noong June survey eh -24 ang net trust rating na nakuha ng China, nitong Setyembre ay naging -33. Pero hindi naman iyon ang pinakamababang rating ng China. Noong Setyembre 2015, aba’y -46 ang nakuha nila sa survey, habang +17 naman ang pinakamataas na nakuha nila noong June 2010.
Mahigit dalawang taon na lang ang natitira sa termino ng kasalukuyang liderato pero mukhang hindi nila makukumbinsi ang mga Pinoy na pagkatiwalaan ang China. Sabagay, hindi naman naituturo ang pagtitiwala, inaani ‘yan. At habang hindi siguro umaalis ang mga Chinese sa mga teritoryong sakop ng Pilipinas sa mga pinag-aagawang lugar sa West Philippine Sea, malabo pa sa kinawkaw na baha na pagkakatiwalaan sila ng mga Pinoy.
Lalo pa ngayon na may babala at pangamba na baka magtayo rin ang China ng artificial island sa Scarborough Shoal bago raw matapos ang kasalukuyang administrasyon. May pangamba rin na kayang putulin ng China ang suplay ng kuryente sa Pilipinas kapag nagkaroon ng kaguluhan dahil 40 percent pala ng equity stake sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) eh hawak ng State Grid Corporation na kontrolado rin ng China.
Pero hindi lang ‘yun, mga tamang duda at hinala rin sa plano na maglagay ang Dito Telecommunity Corporation (dating Mislatel) ng telecommunications facilities sa loob mismo ng kampo ng militar. May mga nangangamba na malalagay sa peligro ng pag-e-espiya ang ating militar kapag pinayagan ang naturang plano.
Maaaring sa ngayon eh tamang praning lang na gagawin ng China ang mga ipinapangamba dahil BFF sila ng kasalukuyang administrasyon. Pero ang tanong, papaano kung ang susunod na administrasyon eh hindi type makipag-tsikahan sa China?
Papaano kung magkatotoo na tatayuan ng China ng artificial island ang Scarborough Shoal at may mga grupong pumalag at gumamit ng puwersa? Sabi nga ng iba, pagdating sa seguridad ng bansa eh dapat lang maging praning ang mga opisyal lalo pa’t mismong ang mga Pinoy ang walang tiwala sa China. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”.