Kontrata ng Comelec-NPO kakalkalin ng PACC

Sisilipin ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang kontratang pinasok ng Commission on Elections (Comelec) sa Nationa­l Printing Office (NPO) kaugnay sa mga naimprentang balota na ginamit sa katatapos na midterm elections.

Partikular dito ang voter information sheets na ipinaimprenta ng Comelec sa NPO subalit ipina-sub contract umano sa Holy Family prin­ting Press na labag sa batas ng Commission on Audit (COA).

Sinabi ni PACC commissioner at spokesman Greco Belgica na titingnan nila ang kontrata para mabatid kung ano ang naging batayan para ipa-sub contract ito ng NPO.

“I will talk to Commissioner Rowena Guanzon dahil kanila po ‘yun eh. ‘Yung Comelec ang may jurisdiction pero for the interest of public service,
kailangang tingnan ito ng PACC dahil mabigat po ‘yan. Merong mga ballots na ayaw tanggapin ng makina, we’ll have to check on that,” ani Belgica.

Sinabi ng PACC official na tuwing eleksyon na lang bago ng bago ang sistema kaya nagkakaroon ng mga problema.

Dapat malinawan ani­ya ang mga nakitang problema sa katatapos na eleksiyon gaya ng mga SD card na nagkadiperensiya at mga hindi mabasang balota dahil nagkakaroon ng pagkaka­taon ang mga talunang kandidato para sabihing dinaya sila.

“That’s why we have to go through investigation. Kailangan talaga busisiin ng maayos para maintindihan ng lahat especially ‘yung aggrieved na sinasabi nila nadaya sila,” dagdag pa ni Belgica.

Kailangan din aniyang i-audit ng Commission on Audit (COA) ang sampung bilyong pisong ginastos sa eleksyon para mabatid kung nagamit ng tama ang pondong inilaan sa katatapos na eleksiyon. (Aileen Taliping)