Handang i-review ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kontrata sa Kaliwa Dam project kung ito ay hindi papabor sa interes ng mga Pilipino.
Inihayag ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kasunod ng pahayag ng Makabayan Bloc na may mga ‘onerous’ provision ang kontrata sa proyekto na ikalulugi umano ng gobyerno.
Sinabi ni Panelo na tiyak na hindi papayag si Pangulong Duterte na ituloy ang proyekto kapag nakitang dehado ang taumbayan sa kontrata, gaya ng natuklasan nito sa kontrata ng Maynilad at Manila Water.
“Eh kung makita ni Presidenteng one sided, ‘di pareho rin nu’ng sa water, ‘di ba, ayaw niya ng onerous provisions,” ani Panelo.
Mas mainam aniyang ipaliwanag ni Congressman Isagani Zarate kung saang bahagi ng kontrata sa Kaliwa Dam project ang ikalulugi ng mga Pilipino para matugunan agad ito ng gobyerno.
“First, did they explain why disastrous? Did they elaborate why it’s disastrous? Number two, what are those onerous provisions? Like what? They have to specify so that we can respond accordingly,” dagdag ni Panelo.
Naniniwala ang kalihim na batid ng mga bumalangkas sa kontrata kung ito ay dehado ba o hindi para sa gobyerno at tiyak aniyang tsinek ito mabuti bago inaprubahan. (Aileen Taliping)