Kontrata sa Kaliwa Dam project handang isapubliko ng Palasyo

Nakahanda ang Mala­cañang na isapubliko ang mga dokumento sa Kaliwa Dam project basta naaayon sa panuntunan ng Freedom of Information o FOI.

Ito ang inihayag ni Executive Secretary Salvador Medialdea kasunod ng panawagan ng ilang grupo na isapubliko ng gobyerno ang kasunduang pinasok sa China kaugnay sa nabanggit na proyekto.

Ayon kay Medialdea, may polisiya ang Duterte administration na maging transpa­rent sa lahat ng mga transaksiyon sa gobyerno at susunod sila sa panuntunan ng FOI.

“This administration early on has made it clear that it will be transparent. We will abide by the FOI rules in place. I don’t think it is a matter of discretion if the document is covered by the FOI and the procedure is followed,” ani Medialdea.

Marami agad ang nagduda sa Kaliwa Dam project na ang China ang gagawa kaya nais ng ilang grupo na makita ang kontrata o kasunduan para matiyak na hindi madedehado ang bansa at magiging paborable ang proyekto para sa mga Pilipino.

Nabuhay ang usapin sa Kaliwa Dam project makaraang dumanas ng kakapusan ng supply ng tubig ang maraming lugar sa Metro Manila na sineserbisyuhan ng water concessionaire na Manila Water. (Aileen Taliping)