Kailangan ng Social Security System (SSS) ng karagdagang 0.5% sa kontribusyon ng kanilang mga miyembro para matugunan ang mas pinalawak na benepisyo sa ilalim ng Expanded Maternity Leave Law.
Ayon kay SSS Vice President for Benefits Administration Division Normie Doctor, batay sa computation ng kanilang Actuarial Division, kailangan itaas ng 0.5% ang contribution rate para ganap na maipatupad ang nasabing batas.
Pinaliwanag ni Doctor na hindi naglalaman ng anumang probisyon ang naturang batas kung saan kukunin ang pondo para sa karagdagang benepisyo.
Ang SSS aniya ang nagbabayad ng maternity benefit kung kaya’t ang ahensya rin ang papasan ng dagdag na gastusin para maipatupad ito.
Magkakaroon aniya ng epekto ito sa fund life ng SSS na mababawasan ng isang taon.
Sinabi ni Doctor na plano ng pamunuan ng SSS na magsagawa pa ng “actuarial study” para malaman kung kailangan talaga nilang humingi ng karagdagang kontribusyon mula sa kanilang mga miyembro. (Riz Dominguez)