Palaisipan ang tunay na motibo sa isang resolusyong isinusulong ngayon ng isang grupo ng mga konsehal sa Maynila na ang layon daw ay magsagawa ng imbestigasyon ukol sa paglaganap ng iligal na sugal at prostitusyon sa lungsod.
Ito ay ang ‘A resolution seeking to conduct an investigation on the ‘proliferation of illegal gambling operation (sic) and prostitution in the City of Manila.’
Nag-ugat ang panukala matapos maiulat sa mga pahayagan ang reklamo ng mga may-ari ng ilang establisimiyento sa lungsod ukol sa isang grupo ng mga konsehal na ‘umiikot’ upang manghingi ng P30,000 hanggang P60,000 kada buwan at bilang kapalit ay hindi umano sila gagambalain o ipasasara ng ilang miyembro ng Konseho na binubuo ng apat na kasalukuyan at dalawang dating konsehal.
Basehan ng inihaing resolusyon ay ang Section 458 ng Local Government Code of 1991 na nagsasabing bilang isang ‘legislative body’ ng lungsod, ang konseho ay maaariing gumawa ng mga ordinansa na pipigil at magpapataw ng multa para sa prostitusyon, bawal na sugal, kasama na ang ‘drug addiction, maintenance of drug dens, drug pushing, printing distribution of exhibition of obscene or pornographic materials or publications and such other activities inimical to the welfare and morals of the inhabitants of the city.’
Ang nakakapagtaka sa kontrobersiyal na resolusyong ito ay dahil mga sinasabing kakampi raw ni Mayor Joseph Estrada ang naghain ng resolusyon.
Ano ang ibig sabihin ng mga konsehal na ito, na inaamin nila sa pamamagitan ng resolusyon na laganap ang iligal na sugal at prostitusyon sa Maynila na pinamumunuan ni Estrada?
Hindi lamang iyan, dahil nakasaad din sa resolusyon na ang mga probisyon nito ay alinsunod sa kampanya ng ‘national government’ laban sa iligal na sugal at iba pang uri ng libangan at upang pigilan ang imoralidad na sumisira umano sa kapakanan ng mga taga-lungsod.
Duda tuloy ng ilang City Hall insiders na tila iniimbitahan ng mga konsehal na nagharap ng resolusyon ang pagpasok ng national government sa Maynila upang humawak ng problema sa prostitusyon at iligal na sugal, na ayon mismo sa resolusyon ay laganap na sa Maynila.
Isa pang nagdulot ng kulay sa resolusyon ay ang nakabinbing kahilingan sa National Bureau of Investigation (NBI) na naglalayong paimbestigahan sa ahensya ang ‘extortion activities’ ng grupo ng kasalukuyan at dating konsehal na nangingikil sa mga establisimiyento sa Maynila.
Anuman ang tunay na motibo ng resolusyong ito ng isang grupo ng mga Konsehal ay sila lang ang nakakaalam pero kung pagbabasehan ang mga pangyayari ay hindi na kailangan pa silang tanungin dahil basang-basa na sa kanilang ikinikilos na kaya nila ito ginawa ay dahil sa datung, pera, salapi.
Nakapanliliit na gawain ng mga halal na opisyal. Pero alam nating anumang bagay na may masamang hangarin ay hindi nagtatagumpay. Bukod pa rito, nakatitiyak akong wasak kayo kay Mayor Erap sa pinaggagagawa ninyo!