Inilipat na sa Mandaluyong City ang kontro­bersyal na piskal sa Caloocan City na si Senior Asst City Prosecutor Darwin Canete matapos nitong maglabas ng kanyang opinyon kaugnay sa kaso ng pinaslang na Grade 11 student na si ­Kian Delos Santos.

Sa ipinalabas na Department Order 558 ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na may petsang Agosto 29 iniutos nito na mailipat si Canete.

Si Canete ay naging kontrobersyal dahil sa kanya umanong prejudgment sa kaso ni Kian makaraan niyang sabihin na mala­yong maging inosente si Kian sa alegasyon na siya ay sangkot sa iligal na droga.

Sinabi naman ni Justice Undersecretary ­Erickson Balmes, mismong si Canete ang humiling na siya ay mailipat ng lugar ng assignment dahil sa umano’y banta sa kanyang seguridad.

Samantala, itinanggi ni Secretary Aguirre na sa kanya galing ang impormasyon na tinangka umanong suhulan ng ilang myembro ng Liberal Party (LP) ang mga magulang ng pinaslang na si Kian.

Nilinaw ni Aguirre na naitanong lamang sa kanya ang tungkol sa nasabing impormasyon sa isang panayam sa isang himpilan ng radyo.

Sa kabila umano na narinig na niya ang natu­rang impormasyon ay wala siyang nalalaman tungkol sa umano’y alok ng ilang mi­yembro ng LP sa mga magulang ni Kian na sina Saldy at Lorenza Delos Santos para magamit sa kanilang political propaganda.

Nanindigan si Aguirre­ na wala siyang sinabi na ang grupong nag-alok ay ang LP, at wala rin siyang nabanggit na anumang halaga ng sinasabing suhol.