Korapsyon sa BOC malala — Lapeña

Aminado si Bureau of Customs (BOC) Commissioner Isidro Lapeña na nalulula ito sa korapsyon na kanyang nadatnan sa ahensya.

Ayon kay Lapeña, malawakan ang katiwalian na kanilang natuklasan, bagay na tinutugunan na umano­ ng mga bagong pamunuan.

Tinitiyak nito na lilinisin ang ahensya sa korapsyon at gagawin ang lahat upang mapanagot ang mga ­mapapatunayang sangkot dito.

Kaugnay nito, ay tinitiyak ni Lapeña na hindi­ makaaapekto sa ekonomiya ng bansa ang pagsususpinde ng ‘green lane’ o ‘express lane’.

Ang naturang lane ay ang daanan ng mga kargamento kung saan, mas maluwag itong nakapapasok sa bansa.

Una nito, iniutos ni Lapeña na pansamantala muna nitong ipinatigil ang operasyon ng green lane matapos makalusot ang P6.4 bilyong shabu mula sa ­China.