Ang Land Transportation Office (LTO) pa rin ang isa sa nanguÂngunang tiwaling ahensya sa gobyerno ayon sa Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE), isang non-government organization.
Alinsunod sa pag-aaral sa mga ahensya ng pamahalaan ang LTO ang pinakapugad ng katiwalian kung saan ay naglipana ang fixers bukod pa sa laging atrasado sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko.
Dahil sa malawakang korapsyon, nawawalan ng mahigit P4B ang taumbayan taun-taon dahil sa pagliban sa trabaho para personal na asikasuhin ang mga kailangang dokumento sa LTO at pagpaparehistro sa sasakyan na siyang isa sa rekisitos ng ahensya.
Gumugugol din ng tinatayang mahigit sa limang oras ang isang nagmamay-ari ng sasakyan para magparehistro at sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw at resulta nito ay nababawasan ng tatlong araw na kita ang isang may-ari ng sasakyan maging ito man ay private o public employee batay sa umiiral na minimum wage.
Ang ganito kabulok na sistema sa LTO ay matagal nang problema kumbaga ay dekada na itong sakit ng ulo ng publiko.
Pero ang nakapagtataka bakit walang kakayahan ang kahit sinong tumayong pinuno at mismong Pangulo ng bansa para wakasan ang katiwalian sa ahensyang ito?
Anong aksyon kaya ang kailangang gawin ni Pangulong Rodrigo Duterte na galit na galit sa mga tiwali para lumagay sa ayos ang mga tauhan ng LTO at kanilang mga kasapakat na mga fixers.
Mukhang hindi pa sapat ang mga nasibak sa ahensyang ito kaya hindi pa tumitino ang LTO.
Bakit kaya hindi na lamang sibakin ang lahat ng mga opisyal na hindi umaaksyon at walang pakialam sa naglipanang fixers sa labas ng kanilang pinamumunuang tanggapan.
Baka sakaling kapag pinagsisibak ng Pangulo ang mga tanggapang nagkalat pa rin ang fixers’ ay matinag ang iba pang mga opisyal at pairalin ang matinong pagseserbisyo.