Labis na nangangamba ngayon ang Korean Community sa sunud-sunod na pagkakawala ng kanilang mga kababayan matapos na isa na naman negosyanteng Korean national ang naiulat na nawawala sa Pasay City.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa nareresolba ang ilang kaso ng pagkawala ng mga Korean national sa nasabing lungsod.
Ayon sa report ng Pasay City Police, noong pang Marso 26 nawawala ang biktimang si Sang Dae, nasa hustong gulang, Korean national at negosyante.
Kahapon ay nagtungo sa tanggapan ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Pasay City Police ang kaibigan ng biktima na si Lee Dong Sub upang i-report ang pagkawala ni Dae.
Sa kuwento ni Dong Sub sa pulisya, Marso 26 nang nagpaalam sa kanya ang kaibigan na magtutungo ito sa Hong Kong para sa dalawang araw na business trip.
Dapat umano ay noong pang Marso 28 nang taong kasalukuyan nakabalik ang kanyang kaibigan, subalit hanggang ngayon ay hindi pa ito nakakauwi sa kanilang tinutuluyang condominium sa Pasay City.
Dito na napilitan si Dong Sub na i-report sa pulisya ang pagkalawa ng kanyang kaibigan.
Labis na nag-alala ngayon si Dong Sub sa kaligtasan ng kaibigan lalo pa’t hindi umano nito matawagan sa cellphone.
Nagsasagawa na ngayon ng masusing imbestigasyon ang pulisya at inaalam kung ang biktima ay nakaalis ng bansa bago nawala.