Patuloy ang pananamlay ng industriya ng karera sa Pilipinas, isa na namang bansa sa Asya ang nagtatangkang maging world-power sa larangan ng horseracing sa buong mundo.
Hindi na puwedeng maliitin ngayon ang South Korea dahil mabilis na itong nakikilala sa buong mundo sa dami ng kanilang ginagawa para makilala ang kanilang mga kabayo at mapaunlad ang kanilang industriya.
Para mapabilis ang proseso ng pag-unlad, two-pronged ang kanilang approach:
Pagtanggap sa mga magagaling na hinete at horse trainers na makapagkumpetensya sa kanilang mga local players, at ang pagsali ng kanilang mga kabayo sa international major meetings.
Ngayong buwan ang ikalawang edisyon ng kanilang Korea Autumn Racing Carnival na ang pinaka-highlight ay ang 2nd Korea Cup at ang 2nd Korea Sprint sa Setyembre 10 na pareho nang Grade-1 races.
Limang taong promosyon ng mga malalaking pakarera na aakit sa mga international horses ang plano para sa April 2022 ay itataas ang premyo ng Korea Cup at Korea Sprint sa $2.7 million (KRW3 billion) at $1.8 million (KRW2 billion).
Tatlo na ang malalaking karerahan sa Korea sa Seoul, Busan, at sa Jeju, at ang total attendance ay umabot sa 15 million.
Sa Seoul, ang karerahan ay pinangalanang LetsRun Park Seoul at dalawang malalaking grandstands ang nakatayo – Happy Ville at Lucky Ville – na kayang maglaman ng 77,000 karerista sa loob.
Ang industriya ng karera sa Korea ay tumatabo ng groseng $6.4 billion (P320 billion) at papalaki pa, nasa pampito na overall sa buong mundo.
Kaya pasubaling matatawag na nananamlay o me sakit na ang industriya ng karera sa bansa kung ikukumpara sa kanila dahil dito sa Pilipinas ay padausdos pa sa kakarampot na P7 billion ang inaasahang grose ngayong taon!