Koreano lumundag sa condo, pagkalulong sa casino sinisilip

Basag ang bungo at nalasog ang katawan ng isang Korean national nang tumalon mula sa ika-18 palapag ng condominium kahapon nang madaling-araw sa Taft Avenue, Malate, Maynila.

Namatay noon din ang biktimang si Jinky (‘di tunay na pangalan), 42-anyos, pansamantalang nanunuluyan sa Taft Residences sa Taft Avenue, Malate.
Sa imbestigasyon ni PEMS Charles John Duran, ng Manila Police District-homicide detection, ala-1:30 nang madaling-araw nang madiskubreng patay ang biktima sa ibaba ng condo sa nasabing lugar.

Nalaman na kalilipat lamang ni Jinky sa kanyang unit kaya hindi pa ito kilala sa lugar.

Inaalam naman ng pulisya kung may kinalaman sa pagkalulong o sugal sa casino ang dahilan ng pagtalon ng biktima dahil hindi naman kinakitaan ng foul play ang pagkamatay nito.

Dinala ang bangkay sa Cruz Funeral Morgue para sa awtopsiya at safekeeping. (Juliet de Loza-Cudia)