Arestado ang isang Koreano dahil sa pagnanakaw ng ilang grocery items sa loob ng isang supermarket sa Villamor, Pasay City kahapon.
Kinilala ni Police Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police ang nadakip na si Chu CHo Kho, 49-anyos, taga-Barangay 183, Villamor, Pasay City.
Sa ulat ni Yang, alas-12:24 nang hatinggabi nang maganap ang insidente sa loob ng Metro Supermarket sa Manlunas St., Barangay 183, Villamor.
Sa inisyal na pagsisiyasat, tinangkang ilabas ng suspek ang ilang grocery items na nagkakahalagang P600 subalit naharang ng guwardiya.
Hinanapan ito ng resibo ngunit nang walang maiprisinta ay hinarang ng guwardiya at dinala sa Villamor Police Community Precinct (PCP).
Nakumpiska sa Koreano ang dalawang Champaghetti Ramyon, Bacon Slice, Mushroom shitake, Kiwi golden at pechay.
Sa ngayon ay nahaharap ang suspek sa kasong theft sa Pasay City Prosecutors Office.(Armida Rico)